SINGIL SA KORYENTE TATAAS NGAYONG MARSO

KORYENTE-5

MATAPOS ang dalawang sunod na buwan ng pagbaba, inanunsiyo ng Manila Electric Company (Meralco) na bahagyang tataas ang singil sa koryente ng P0.0278 per kilowatt-hour (kWh) ngayong buwan.

Ayon kay Meralco spokesperson Joe Zaldarriaga, pangunahing dahilan ng  bahagyang pagtaas ngayong buwan ay ang mas mataas na generation charge.

Bunga nito, ang overall rate ay umakyat sa P8.8901 per kWh mula sa  P8.8623 noong Pebrero.

Katumbas ito ng P5.60 dagdag sa mga kabahayang komokonsumo ng 200 kWh, P8.40 sa 300 kWh na konsumo, P11.20 sa 400 kWh na konsumo, at P14 sa 500 kWh na konsumo.

Paliwanag ng Me­ralco, nasa P0.18/kwh ang itinaas sa generation at transmission charge, subalit dahil sa utos na refund ng Energy Re­gulatory Commission (ERC) ay natapyasan ito.

“This month’s rate is lower than that of last March 2019, which was P10.4961 per kWh,” sabi pa niya.

Mula sa P4.5090 per kWh noong nakaraang buwan, ang generation charge para sa Marso ay tumaas sa P4.6632 per kWh.

“Charges from the Wholesale Electricity Spot Market (WESM) increased this month by P1.0479 per kWh, driven by higher power demand and tighter supply conditions in the Luzon grid.”