INIHAYAG ng tagapagsalita ng power distribution company, ang Meralco na magkakaroon ng pagtaas sa singil sa koryente ngayong Pebrero.
Ayon sa paliwanag ni Meralco spokesperson Joe Zaldarriaga, babalik na kasi sa normal ang singilan ng mga planta ng koryente na nagsusuplay sa Meralco dahil wala na ang tinatawag na “outage allowance.”
“Historically ‘pag nag-normalize na iyong rates na ating pinapasa sa mga konsyumer galing sa generation cost, normally mayroon na ‘yang upward adjustment by the time February kicks in,” sabi ni Zaldarriaga sa isang panayam.
Nagkaroon ng bawas-singil ang Meralco nitong Enero dahil sa bawas-singil ng mga planta ng koryente.
Posible raw na nasa P0.50 pataas ang dagdag-singil pero maaari pa itong magbago.
Pinaghahanda rin ni Zaldarriaga ang mga konsyumer sa posibleng pagtaas ng singil sa koryente pagsapit ng tag-init dahil umano sa malakas na konsumo.
Mas maraming “cooling devices” daw kasi ang ginagamit tuwing tag-init, dahilan para tumaas ang konsumo ng koryente ng mga tao, ani Zaldar-riaga.
“Gagamit ka ng mas maraming cooling devices to be able to cope with the heat,” ani Zaldarriaga.
“Ang mangyayari diyan tataas iyong consumption mo,” dagdag niya.
Pinaghahandaan din ng Meralco ang nakatakdang “maintenance shutdown” ng Malampaya platform sa Oktubre.
Apat na malalaking planta ang umaasa sa natural gas para makagawa ng higit 3,000 megawatts ng koryente sa Luzon.
“Inaabisuhan na namin ang mga costumer namin during that period na maging mas masinop sa paggamit ng koryente,” sabi ni Meralco Utility Eco-nomics Head Larry Fernandez.
Noong 2017, dagdag na P0.66 kada kilowatt hour na inunti-unti ang naging epekto ng “maintenance shutdown” ng Malampaya.
PRESYO NG LPG SISIPA
Samantala, nasa P1 hanggang P1.50 ang tinatayang dagdag-presyo sa liquefied petroleum gas (LPG) sa Pebrero 1 dahil sa pagmahal ng contract price sa pandaigdigang merkado.
Ang inangkat na diesel at gasolina naman ay nagmura sa merkado sa unang araw ng trading pero maaari pang mabago hanggang bukas.
PAG-ANGKAT NG DIESEL
Ayon naman sa Philippine National Oil Company-Exploration Corporation (PNOC-EC), itutuloy na ulit nila ang pag-angkat ng diesel na ibebenta nang mas mura sa mga transport group.
Hindi itinuloy ng PNOC-EC ang planong pag-angkat noong nakaraang taon dahil biglang sumadsad ang presyo ng diesel pero binuhay na muli nila ito dahil sa sunod-sunod na taas-presyo sa petrolyo.