NANAWAGAN si ACTS OFW Party-list Rep. Aniceto “John” D. Bertiz III sa Department of Health (DOH) at iba pang departamento ng gobyerno na magsagawa ng imbestigasyon hinggil sa karagdagang medical examination fee na ipinapataw diumano sa mga Filipino seafarer.
Ayon sa partylist-solon, partikular na nais niyang siyasatin ng mga concerned government institution ang bagong regulasyon na ipinatutupad ng Panama Maritime Authority (PMA).
Ito’y may kinalaman sa pagpapabayad sa Pinoy seafarers ng dagdag na $20 o katumbas ng P1,040, sa kanilang medical examination kapag ang mga ito ay magtatrabaho o sasampa bilang crew sa alinmang Panamanian registered vessels.
Nitong nakaraang Mayo 21 lamang naging epektibo ang nasabing kautusan ng PMA kung saan ipinaliwanag na sa sisingiling $20, ang $15 dito o P780.00 ay sa “online broker” habang ang $5 o P260 naman ay para sa Panama Embassy sa Pilipinas.
Subalit kinuwestyon ni Bertiz ang tinaguriang “online broker” sapagkat hindi nito tinutukoy kung sino, na kung ang pagbabasehan ay ang bilang ng Filipino seafarers na kasalukuyang nagtatrabaho sa Panamanian registered vessels, ay maaaring makakolekta ng P234 milyon habang ang Panama Em-bassy sa bansa ay nasa P78 milyon kada taon dahil sa dagdag-singil na ito.
Bunsod nito, gustong malaman ng kongresista kung hindi man naikonsulta, ay inaprubahan ng DOH, maging ng Department of Foreign Affairs (DFA) at iba pang tanggapan ng pamahalaan ang naturang PMA order. ROMER R. BUTUYAN
Comments are closed.