IGINIIT ng isang Mindanaoan lawmaker na dapat mailantad sa publiko ang eksaktong presyo na sinisingil para sa COVID-19 PCR ng nasa 191 licensed public at private laboratories sa iba’t ibang bahagi ng bansa.
Kasabay nito, nanawagan sa Department of Health (DOH) si Surigao del Sur 2nd Dist. Rep. Johnny Pimentel na gawan ng kaukulang aksiyon ang mga ulat na may ilan umanong private testing center na makaraang kuhanan ng specimen ang kanilang kliyente ay ipagagawa sa public facility ang testing at saka maniningil ng mas mataas na presyo.
Ayon sa Surigao del Sur solon, hindi niya maintindihan kung bakit ang DOH-Health Facilities and Services Regulatory Bureau ay hindi man lamang magpalathala ng halaga ng babayaran para sa COVID-19 PCR test, partikular sa mga licensed laboratory.
“They should stop hiding the cost. We want absolute pricing transparency to protect consumers – to safeguard patients – and to help them identify, compare and choose the best provider that offers their desired level of value,” ayon kay Pimentel, na isang COVID-19 survivor
Aniya, sa simula pa lamang, ang kabiguan ng Health department na isulong ang “pricing transparency” ang isa sa pinakamalaking dahilan kung bakit mahal ang bayad at sinisingil ng ilan sa pagsasagawa ng COVID-19 PCR test.
Paalala ng dating House deputy speaker at ngayo’y chairman ng committee on strategic intelligence ng Kamara na, “consumers have a right to ready access to the actual prices of COVID-19 tests and other healthcare services.”
Bukod sa publication ng price list, dapat din
aniyang atasan ng DOH ang mga public at private testing center na ipaskil sa labas ng establisimiyento ng mga ito ang presyo ng kanilang COVID-19 PCR test.
Samantala, kinastigo ni Pimentel ang ilang mapagsamantalang private labortories na sa pampublikong testing facilities lamang ipinagagawa ang PCR test ng kanilang kliyente subalit mahal pa rin kung maningil.
Dapat aniyang tuldukan ng DOH ang katiwaliang ito at kasuhan hanggang sa maparusahan ang mga mapatutunayang nagkasala, na maaari ring tuluyan silang matanggalan ng lisensiya ng nasabing ahensiya.
“We don’t mind this because we have a public health crisis. But these private hospitals should not turn around and then charge patients excessively if they are piggybacking on low-cost public laboratories,” dagdag ni Pimentel. ROMER R. BUTUYAN
Comments are closed.