LAYON ng National Anti-Poverty Commission na bawasan ang bilang ng kahirapan na naitatala ng pamahalaan hanggang sa isang digit na lamang para sa taong 2028.
Ayon kay National Anti-Poverty Commission (NAPC) Secretary Lope Santos III, malaki ang target ng gobyerno na ibaba ang poverty incidence ng bansa mula 18.1 % na naitala noong 2018.
Paliwanag pa ng kalihim, malaki ang papel ng iba’t ibang sektor, ahensya ng pambansang pamahalaan, at mga yunit ng lokal na pamahalaan sa pag-angat ng buhay ng mahihirap at marginalized na populasyon sa pamamagitan ng pagbibigay ng mga programa at serbisyo na magkatuwang.
Binigyang-diin ng NAPC ang kahalagahan ng pagtupad sa limang pangunahing karapatan ng mga mahihirap na indibidwal na kinabibilangan ng de-kalidad na edukasyon, disenteng tirahan o pabahay, trabaho at mga oportunidad sa kabuhayan, serbisyong pangkalusugan, at seguridad sa pagkain.
Aniya, ang marching order ng Pangulong Marcos ay i-prioritize ang programa at magkaroon ng convergence ang mga national government agencies doon sa mga sektor at areas na nangangailangan.
Ang NAPC ang nangangasiwa sa pagmomonitor ng kahirapan sa bansa habang ang ahensya ng DSWD ang nagpapatupad sa produktibong pagtutulungan sa pagsugpo sa kahirapan at sa pagkamit ng mga pangunahing karapatan ng mahihirap.
PAULA ANTOLIN