NAKAPAGTALA ng single digit na bilang ng aktibong kaso ng COVID-19 ang lungsod ng Muntinlupa na mayroon na lamang 7 kaso.
Base sa huling datos ng City Health Office (CHO) ng Disyembre 16 ay pito na lamang ang aktibong kaso ng COVID-19 sa buong lungsod mula sa 13 aktibong kaso na naitala ng Disyembre 15.
Ito na ang pinakamababang bilang ng kasong naitala sa lungsod mula ng tumaas ang bilang nito noong nakaraang taon at ang unang pagkakataon na ang kabubuang bilang ng aktibong kaso ay bumaba sa single digit na lamang.
Nabatid na may 9 na barangay ang lungsod, lima sa mga ito ay nakapagtala ng zero active COVID-19 cases na kinabibilangan ng mga barangay ng Putatan, Bayanan, Alabang, Buli at Sucat.
Samantalang, ang tatlong barangay ng Poblacion, Ayala-Alabang at Cupang ay mayroong tig-2 kaso habang ang Barangay Tunasan ay nakapagtala naman ng isang aktibong kaso ng COVID-19.
Nakapagtala naman ang lungsod ng kabuuang 27,596 kumpirmadong kaso kung saan 27,010 sa mga ito ay mga nakarecover kabilang ang 6 na bagong pasyenteng nakarecover habang 579 naman ang mga namatay sa virus.
Bagaman patuloy ang pagbaba ng kaso ng COVID-19 sa lungsod ay pinaalalahanan naman ang publiko na ipagpatuloy din ang pagsunod sa ipinatutupad na minimum public health standards lalo pa sa panhon ngayon na nakapasok na sa bansa ang Omicron variant.
Kasabay nito ay hinimok din ang mga residente na pagparehistro para sa kanilang pagpapabakuna para mabigyan sila ng proteksyon laban sa epektong idudulot ng COVID-19. MARIVIC FERNANDEZ