SINGLE MOM KAKAYANIN LAHAT PARA SA ANAK

PILIT na nilalabanan ni Jasell Pajo Tumayao ang hamon ng buhay partikular na ang naging bu­nga ng kanyang pagiging single mom at epekto ng COVID-19.

Ayon kay Jasell, 23-anyos, tubong Butuan ay limang taon na buhat nang iwanan siya ng kanyang partner.

Aminado si Jaselle na hindi naman pagkakamali ang lahat dahil minahal niya ang kanyang partner ngunit sadyang hindi lamang talaga sila para sa isa’t isa.

Ayon kay Jasell, 18-anyos pa lamang siya nang magsimula siyang matutong magtrabaho.

At dahil nga isa siyang single mom na mayroong limang taong gulang na anak kung kaya’t kailangan niyang maghanap-buhay para matustusan niya ang pangangailangan ng anak.

Kuwento ni Jasell, nagsasakripisyo siya na malayo sa kanyang anak na nasa Antipolo sa kasalukuyan at ina­alagaan ng mga lolo at lola para lamang mabuhay sila.

Sa kitang P250 kada araw mula sa kasalukuyang trabaho ni Rachelle bilang store staff ng isang tindahan ng ice cream, pizza at mga siomai at siopao ay tinitiis niya ito upang mapunan ang pangangailangan ng kanyang anak.

Bagaman stay-in si Jasell sa kanyang amo ay kailangan pa rin niyang gumastos pambili ng kanyang uulamin sa isang araw dahil ang libre lamang ay bigas.

Kahit hindi nakatapos ng pag-aaral si Jasell, hindi rito natatapos ang kanyang pangarap para sa kanya at kanyang anak na babae.

Tinukoy ni Jasell na pangarap niya ang ma­ngibang bansa upang doon makapagtrabaho at madagdagan ang kanyang kita para sa kanya at anak nito.

Inamin naman ni Jasell na tulad ng kanyang anak na bahagi rin ng broken family ay ganito rin ang kanyang buhay dahil naghiwalay ang  kanyang mga magulang.

Umaasa si Jasell na isang araw ay makakaahon din sila sa hamon ng panahon at giginhawa ang buhay nilang mag-ina. CRISPIN RIZAL

 

456 thoughts on “SINGLE MOM KAKAYANIN LAHAT PARA SA ANAK”

Comments are closed.