KASABIHAN na malapit ang blessings sa mga single mom na nagsasakripisyo para sa kanilang mga anak.
Iyan ang konsepto ng kuwento ni Mercy Ramirez, 38-anyos, may anak na tatlo at tubong San Mateo, Isabela.
Isang solo parent ang ating bida na nagtungo sa Dubai, United Arab Emirates upang doon magtrabaho bilang isang domestic helper. Taliwas sa naging kapalaran ng iba, masasabing isa siya na masuwerte dahil ang naging amo o employer niya ay mabait.
Na kanya namang tinumbasan ng sipag ang paglilingkod ang kabaitan ng kanyang amo.
KINALIMUTAN ANG LUNGKOT
Ayon kay Ginang Mercy, tinatagan na lamang niya ang loob at iwinaksi ang lungkot noong unang paglisan niya sa bansa at maiwan ang tatlong anak sa kanyang mga kamag-anak.
Aniya, maliliit pa ang kaniyang anak noon at isipin man niya ay sadyang nagdurugo ang puso na kanya itong iiwan.
Subalit, walang mangyayari kung mananaig ang lungkot, kailangan niyang magtrabaho…magsakripisyo para sa kaniyang mga anak… at hindi siya nabigo.
BETTER FUTURE PARA SA 3 ANAK
Nais ni Ginang Ramirez na mabigyan ng magandang kinabukasan at makapagtapos sa pag-aaral ang tatlo niyang mga anak na noo’y walang kaalam-alam na maiiwan sila sa kanilang mga tiyahin at mga pinsan.
Hikbi at lihim na pagiyak, iyon na lamang ang nagawa ni Mercy nang lisanin ang kanilang bahay sa Isabela patungo sa airport.
Sa pag-angat ng eroplanong sinasakyan ni Mercy, hindi na mapigilan ang pagluha nito na noo’y umusal ng dasal na sana ay maging ligtas ang biyahe niya, ang mga anak at maging mabait ang amo na ibinigay naman sa kanya ng Poong Maykapal.
KAILANGANG KUMAYOD KAYSA UMASA
Isa sa dahilan ng matinding pagpursige noon ni Mercy na magtrabaho sa ibang bansa ay dahil wala
naman aniya siyang ibang mahihingan ng tulong para sa pinansiyal gayundin sa pang-araw-araw na pangangailangan.
Solo niyang binabalikat ang pangangailangan nilang mag-iina simula nang iwan siya ng asawa.
Taimtim na nagdasal si Mercy bago ang desisyong mag-abroad lalo na’t ang pagtungo sa ibang lugar ay hindi madali dahil hindi lahat ng mga nagtatrabaho sa ibang bansa ay pinapalad.
Aniya, nagpapasalamat siya sa Poong Maykapal dahil isa siya sa nakatagpo ng mabait na amo, sa Dubai.
MABAIT NA AMO
Sa salaysay ni Mercy sa PILIPINO Mirror, ang naging amo nila ng kanyang mga kasamahan ay maayos ang pakikitungo sa kanila.
May oras ang kanilang trabaho at nakapagpapahinga sila at maayos din ang kanilang pagkain na hindi tulad sa ibang nababalitaan nila na wala umanong freedom ang ibang mga namamasukan sa ibang bansa.
ABOT LANGIT NA PASASALAMAT
Lubos na nagpapasalamat sa Panginoon si Gng. Ramirez, dahil ang lahat na sakripisyo niya ay tinutumbasan naman ng kabaitan at sipag sa pag-aaral ang tatlo niyang mga anak.
MGA ANAK TULOY-TULOY SA PAG-AARAL
Kung babalikan ang nakaraan, nang iwan niya ang mga ito, ang panganay niyang anak na si Marnie Mae ay siyam na taon pa lang noon, sa ngayon ay 21 na at nasa 4th year na sa kursong Accountancy sa isang pamantasan sa Isabela.
Habang ang pangalawa niyang anak na si Mark Jiem na iniwan niyang limang taon ang edad, ngayon ay senior high school na.
Samantala, ang pangatlo niyang anak na lalaki na si Mark Joven at noon ay dalawang taon pa lamang ngayon ay Grade 11 na.
BAYANING PINAY, BAYANING INAY
Habang sinusulat ang kuwento ng isang OFW na si Mercy Ramirez ay nakalipad na pabalik sa Dubai ang isang ina na maituturing na bayaning Filipina at bayaning Ina.
Na ang tanging pinaghahawakan niya ng lakas ng loob ay ang buong pananalig sa Poong Maykapal upang siya ay tulungang maging matagumpay at ilayo sa ano mang kapahamakan at karamdaman.
Upang sa muli niyang pagbabalik sa kanyang tatlong anak ay nais na niyang magnegosyo na lang upang lubos na niyang makapiling ang mga ito, dahil sa ilang taon niya sa ibang bansa ay nakapagpundar na siya ng kotse at isang motor, at ilang mga kagamitan sa kanilang tahanan.
Comments are closed.