SINGLE PARENT TIPS: POSITIBONG PAGPAPALAKI NG ANAK

IBA-IBA ang ugali ng bawat bata. Mayroong tahimik. Mayroon din namang maiingay o makukulit. Challenging ang pagpapalaki ng anak. Magkatuwang din dapat ang ina at ama sa pagpapalaki ng kanilang mga anak at maging sa pag-sasaayos ng kanilang pamilya.

Masarap nga naman ang pagkakaroon ng buo na pamilya. Mayroon kang karamay sa mga dagok at problemang maaaring dumalaw sa inyong pamilya. Ngunit hindi rin naman lahat ng mga mag-asawa ay nagtatagal. May ilang naghiwalay ng landas. Hindi rin lahat ng may anak ay mayroong asawa. Marami rin sa panahon ngayon ang single parent. Mas challenging ang pagiging single parent. Dahil siya ang tatayong nanay at tatay. Siya ang papasan ng lahat ng mga kakaila­nganin ng anak niya at haharap sakaling magkaproblema ito.

Sabihin mang marami ang single parent sa panahon ngayon, hindi naman ibig sabihin noon ay wala na itong kakayahang mapa-laki ng mabuti ang kanyang anak. Oo, kapag wasak o hindi buo ang isang pamilya, kaliwa’t kanan ang humuhusga.

Gayunpaman, may kanya-kanyang paraan o dahilan kung kaya’t nagiging single parent ang isang tao. At sa mga single parent, narito ang ilang tips na maaari ninyong isaalang-alang upang magabayan kayo sa pagpapalaki ng inyong mga anak:

BIGYAN NG LIMITASYON ANG ISANG BATA

SINGLE PARENTNapakahalaga nang pagbibigay ng limitas­yon sa iba’t ibang bagay ang mga bata gaya na lamang ng oras ng pagtulog, paggawa ng assignment, panonood ng telebisyon, paglalaro ng computer o maging sa pagkain.

Habang bata pa, limi­tahan na natin sila sa mga bagay-bagay. Huwag natin silang pabayaan o hayaan sa gusto nila. Mag-set tayo ng schedule at si­guraduhing masusunod iyon.

PANSININ NANG HINDI MAGPAPANSIN

Ang pagiging pasaway ng isang bata ay laging may dahilan. Kung hindi sila napapansin ng kanilang magulang, gumagawa sila ng paraan upang magpapansin.

Oo nga’t marami tayong ginagawa. Mas mahirap nga naman pagsabayin ang lahat. Gayunpaman, sabihin mang single parent ka, nararapat lang na maglaan ka ng panahon sa iyong anak. Kausapin siya. Dapat alam mo ang nangyayari sa kanya. Matuto ka ring pakinggan sila.

IWASAN ANG PAGSIGAW KUNG NAGKAMALI

Isa sa kinaiinisan ng bata ay iyong sinisigawan sila. Nakaririndi nga naman. Kahit naman sino, kapag sinigawan ay talagang mai-inis. Iwasan din natin ito dahil wala itong mabuting maidudulot. Kung nagkamali man, kausapin sila. Simple lang dapat ang pagkausap at maikli. Iwasan ang paglilitanya ng pagkahaba-haba dahil lalo lang silang walang maiintindihan.

PUNAHIN ANG MGA NEGATIBONG GAWI

Kung minsan, lalo na kung wala tayo lagi sa bahay ay hindi na natin pinupuna o pinapansin ang gawi ng ­ating anak kahit na negatibo ito. Pinagbibigyan na lang natin. Ang masaklap ay hinahayaan natin. “Makabawi man lang sa anak,” sa isip-isip natin.

Hindi tama na hayaan ang isang bata sa mga hindi magandang gawing nakasa­nayan niya. Kailangang punahin siya at itama ang kanyang negati­bong pag-uugali.

Habang bata pa ay ituro na sa kanila ang magandang asal upang madala nila sa kanilang paglaki.

Napakaraming pa­raan upang mapala­king mabuti ang isang bata. Gayunpaman, nasa isang magulang ang susi kung paano niya palalakihin ang kanyang anak. CS SALUD  (photos mula sa google)

 

 

 

 

 

 

 

Comments are closed.