ISA sa mga katangian ng mga mauunlad na lungsod ay ang pagkakaroon ng maayos na sistema ng transportasyon. Kabilang dito ang sistema sa pangangasiwa sa trapiko, maayos at malinaw na mga alituntuning ipinatutupad bilang gabay ng mga motorista, at ang sistematikong pagpapatupad ng batas at mga ordinansa. Para sa isang developing country gaya ng Pilipinas, napakahalaga na ang kapital na rehiyon nito ay may ganitong mga katangian.
Aminin man natin o hindi, napakarami pang mga bagay at mga sistema na dapat isaayos hindi lamang sa NCR kundi sa buong bansa. Kaya naman maituturing na isang napakagandang balita at malaking hakbang tungo sa maayos na sistema ng transportasyon ang naging pag-apruba kamakailan ng Metro Manila Council sa Metro Manila Traffic Code of 2023 bilang gabay sa mga motorista sa loob ng Metro Manila.
Isang magandang pagbabago ang pag-apruba sa Metro Manila Traffic Code of 2023 dahil ito ang magbibigay daan sa paglulunsad ng single ticketing system sa NCR. Sa wakas, matapos ang halos tatlong dekada ay maipatutupad na ito sa bansa. Sa pamamagitan nito, inaasahang maiibsan na ang pagkalito ng mga motorista sa tuwing nahuhuli ang mga ito sa ibang lungsod sa Metro Manila.
Karapat-dapat pasalamatan at kilalanin ang Metro Manila Development Authority (MMDA) na siyang nanguna at nagtulak na maipasa ang resolusyong inaprubahan ng MMC na siyang mag-iisa at magtutugma sa mga umiiral na batas at lokal na mga ordinansa ukol sa trapiko. Ito rin ay magbibigay-daan sa pagiging mas episyente ng pangangasiwa ng trapiko sa Metro Manila.
Sa pamamagitan ng Metro Manila Traffic Code of 2023, magiging mas sistematiko ang pagkakaugnay-ugnay ng mga instrumentong ginagamit sa pangangasiwa ng trapiko sa Metro Manila kabilang na ang mga multa at parusang katumbas ng mga paglabag dito.
Sa kasalukuyan, maraming motorista ang nakararanas ng pagkalito kapag nahuhuli sa isang lokalidad. Abala ring maituturing ang kasalukuyang sistema na kailangang sa lungsod kung saan nahuli magbabayad ng multa at kunin ang kompiskadong lisensya. Dumarami tuloy ang mga motoristang sumusubok makipag-areglo na lamang sa mga traffic enforcer sa halip na mabigyan ng ticket at makuhanan ng lisensiya dahil sa malaking abalang dulot ng pagtubos dito.
Ayon kay MMDA acting Chairman Atty. Don Artes, magiging malaking tulong ang nalalapit na paglulunsad ng single ticketing system sa Metro Manila para sa mga motorista dahil hindi na mahihirapan ang mga ito sa pagbabayad ng mga multa. Sa pamamagitan kasi ng bagong system na ito, maaari na magbayad kahit saan.
Kung iisipin, parang nararapat lang na maging abala para sa mga violator ang proseso ng pagbabayad subalit dapat din isaalang-ala na kapag ang isang sistema ay hindi epektibo at episyente, ito ay nagreresulta sa pagbaba ng antas ng pagiging produktibo ng isang tao dahil sa pagkasayang ng oras at enerhiya nito.
Nilinaw rin ni Artes na ang mga traffic enforcer sa mga lokal na pamahalaan ay wala nang awtoridad na mangumpiska ng lisensiya ng mga mahuhuling traffic violator sa ilalim ng bagong traffic code.
Tiyak na kasalukuyang naghahanda ang mga lokal na pamahalaan para sa nalalapit na paglulunsad ng single ticketing system sa Abril dahil ayon kay Artes, kailangang ipatupad ng mga lokal na pamahalaan ang sarili nitong ordinansa ukol sa mga karampatang multa kada paglabag alinsunod sa bagong pamantayan. Kailangan din ng bukod na ordinansa para sa mga violation na hindi nakasaad sa bagong traffic code.
Kaugnay nito, ipinahayag ni MMC president at San Juan City Mayor Francis Zamora ang ukol sa kasunduan nila ng mga kapwa nya alkalde na baguhin ang mga ordinansa ng mga ito alinsunod sa bagong traffic code hanggang ika-15 ng Marso. Bunsod ng pakikiisa ng mga alkalde sa Metro Manila, kampante ang kalooban at buo ang kumpiyansa ni Artes na matutuloy ang paglulunsad ng bagong system sa Abril.
Nakasaad sa traffic code ang 20 na pangkaraniwang mga traffic violation kabilang ang disregarding traffic signs, illegal parking, number coding violation, truck ban, reckless driving, tricycle ban, obstruction, overloading, at defective motor vehicle accessories. Napakalaking kaginhawaan para sa lahat ng motorista ang pagkakaroon ng iisang sistemang magiging gabay ng mga tagapagpatupad at tagasunod ng batas ukol sa kung paano ang magiging paghuli at ang magiging multahan kaugnay ng mga violation na ito.
Naniniwala ako na bukod sa pagkakaroon ng episyenteng sistema, ang single ticketing system din ay maaaring maging solusyon upang mapababa ang bilang ng mga motoristang nakikipag-areglo kapag sila ay nahuhuli ng mga traffic enforcer dahil hindi na sila maaabalang sadyain pa ang lokalidad kung saan sila nahuli para lamang mabayaran ang multa kaugnay ng kanilang naging paglabag. Sa aking personal na opinyon, ito ang isa sa mga pinakamakabuluhang tulong ng single ticketing system sa Metro Manila. Nawa’y gawin itong ehemplo ng ibang rehiyon ang ideyang ito ng MMDA upang balang-araw, maipatupad ang episyenteng sistema na ito sa buong bansa.