SINGLE TICKETING SYSTEM SA METRO APRUB KAY ABALOS

SINANG-ayunan ng Department of the Interior and Local Government (DILG) ang pagpapatupad ng single ticketing system at moratorium sa pagkumpiska ng mga lisensiya ng mga driversa unang quarter ng 2023.

Sa ginanap na pulong nitong Sabado ng Metro Manila Council, Metro Manila Development Authority (MMDA), at ang Land Transportation Office (LTO) ay napagkasunduan ng mga lokal na punong ehekutibo na magpasa ng ordinansang sumusuporta sa single ticketing system at pagpapaliban sa pagkumpiska ng mga lisensiya ng mga driver na lumalabag sa batas trapiko.

Sa ilalim ng nasabing sistema, ipapasa ng Metro Manila LGUs ang kanilang traffic violation citations sa LTO na siya namang magtatala ng mga paglabag bilang bahagi ng demerit system nito.

Kapag napatunayang may sampung traffic violations ang isang motorista, sususpindihin ang kanyang lisensya sa pagmamaneho.

Ang sistema ay mag-iisyu din ng pare-parehong iskedyul ng mga bayarin para sa mga paglabag sa trapiko na maaaring ayusin sa pinakamalapit na Bayad Center o bangko.

“We hope the upcoming implementation of this system will put to rest issues on the confiscation of licenses and will lead to better enforcement of traffic rules and regulations for the benefit of motorists and commuters alike,” pahayag ni Abalos.

“Kaisa ninyo po ang DILG, ang Metro Manila Council, MMDA at LTO sa patuloy na pagpapatupad ng batas trapiko at pagtataguyod ng mahusay na transportasyon sa Metro Manila,” dagdag pa ng DILG chief. EVELYN GARCIA