PINAG-IISIPAN ng pamahalaang lungsod ng Quezon ang unti-unting pagbabawal ng single-use plastic lalo’t Filipinas ang isa sa mga bansang may pinakamalaking plastic wastes sa karagatan.
Ayon sa ulat ng Ocean Conservancy and Mckinsey Center for Business and Environment noong taong 2015, ang Filipinas ang ikatlo sa may pinakamaraming plastic waste pollution sa mga karagatan sa buong mundo.
Kamakailan ay inihain ni Senator Risa Hontiveros ang Senate Bill No. 1866 o “Plastic Straw and Stirrer Ban of 2018” na naglalayong ipagbawal ang paggamit ng plastic straws at stirrers sa lahat ng establisimiyento.
Inaatasan ng batas ang mga restaurant na magpaskil ng mga palatandaan para makapagbigay-alam sa mga mamamayan ukol sa patakaran na “no plastic straw and stirrer” at ang hindi susunod ay magmumulta ng P50,000 hanggang P150,000 o suspensiyon ng business permit.
Nilinaw naman ni Quezon City Vice Mayor Joy Belmonte na uunti-untiin ng lungsod ang pagbabawal sa plastic.
Magbibigay umano sila ng mahabang deadline upang ubusin ang suplay ng single-use plastic utensils.
Para naman sa mga hindi makasusunod sa deadline, makikipag-ugnayan ang lungsod upang magbigay ng ibang deadline para sa kanila.
Sa ngayon, ipinatutupad ng lungsod ang Ordinance No. SP-2127 na nagbabawal na sa paggamit ng plastic at styrofoam sa loob ng munisipyo.
Mayroon din umano silang Ordinance No. SP-2140 at SP-2103 na may mandatong mangongolekta ng environmental fees para sa mga gagamit ng plastic bag sa lungsod. NENET L. VILLAFANIA
Comments are closed.