SINGLE-USE PLASTICS IBABAWAL

SINGLE-USE PLASTICS

UPANG mapigilan ang polusyon sa bansa, inihain ni Senadora Cynthia Villar ang panukalang batas na magbabawal sa  single-use plastics.

Ito ang nakapaloob sa Senate Bill No. 333 o Single-Use Plastic Product Regulation Act of 2019 na i-regulate ang manufacturing, importation at paggamit ng single-use plastic products.

Ani Villar,  mahalaga ang  pagsasabatas ng panukalang ito dahil sa pag-aaral na sa buong mundo, ang Filipinas ang pangatlong pinakamalaking producer ng plastic wastes na napupunta sa karagatan. .

“With our dependence in agriculture, plastic pollution also poses a grave threat in our food security. Disaster risks and hazards arising from plastic pollution may put farms at risk of flooding resulting in wastage of agricultural products along with its threats to a balanced ecology. Micro plastics leaked in our bodies of water may also put public health at risk as it gets into our food chain,” anang senadora.

Base sa 2015 report tungkol sa plastic pollution na isinagawa ng international group Ocean Conservancy and Mc­Kinsey Center for Business and Environment, ang Fili­pinas ang pangatlo sa  pinakamalaking source ng plastic kasunod ng  China at Indonesia.

Nagbabala rin ang United Nations Food and Agriculture Organization na  mas magiging marami ang plastik kaysa  sa isda sa darating na 2050  kapag magpapatuloy ang plastic pollution.

Aniya, mamamatay ang mga isda at magiging disyerto ang mga karagatan sa taong ito.

Sinabi pa ni Villar, tumitindi ang suliranin sa plastic waste dahil na rin sa mga produktong nasa plastic sachets.

“Hindi naman natin masisi ang mga tao kung ang kaya lang bilhin ay ‘yung sapat para sa ilang araw lang na gamitan. But we must put pressure on the corporations that produce these products to come up with a program to recycle these wastes and minimize impact on the environment,” dagdag pa ng senadora.

Sa ilalim ng panukala, pagbabawalan ang food establishments, stores, markets at retailers na magbigay ng  single-use plastics.

Hihikayatin din ang consumer na gumamit ng reusable materials, samantalang ang manufacturers ay dapat na mangolekta, mag-recycle at itapon ang single-use plastics. Hindi na rin papayagan ang importas­yon ng single-use plastics.

Papatawan ng multang P10,000-100,000 at suspensiyon o pagpapawalang bisa sa business permit ang mga business enterprise, micro, small at  medium enterprises  na lalabag sa batas.

Pagmumultahin naman ng P100,000 hanggang P1 milyon o sususpindihin o pawawalang  bisa ang business permit ng VAT-registered enterprises, establishments at tindahan  at lahat ng plastic manufacturers na may paglabag.

Sa ilalim ng panukala, magtatag din ng Special Fund for Single-use Plastic Regulation na bubuuin ng collected tariffs, levies at fees.

Bukod dito, gagamitin ang pondo sa pagtatayo ng recycling centers at assistance at incentives para sa manufacturers at community-based initiatives upang mabawasan ang single-use plastics. Para rin ito sa non-government at civil society organizations na nagsusulong sa wastong solid waste management. VICKY CERVALES