(Ni CHE SARIGUMBA)
MAINIT man ang panahon ngunit hindi pa rin mapipigil ang kahiligan ng bawat Filipino sa pagkain. Aminado ang marami sa ating hindi nabubuhay nang hindi nasasayaran ng masasarap na putahe ang mga lalamunan. May ilan ding hindi nakokontento sa pasta o sandwich kundi kailangang may kanin at ulam.
Sa rami nga naman ng ginagawa at alalahanin ng marami sa atin, talagang makadarama tayo ng gutom at maghahanap tayo ng masasarap na putahe. Isa pa, kaya nga tayo nagtatrabaho para makakain ng masarap at may maihandang katakam-takam sa pamilya.
Kapag pagod din tayo o mainit ang ulo, pagkain din ang tinatakbuhan natin o solusyon nang mawala ang inis na ating nadarama.
Kaligayahan nga naman kasi ang dulot ng masasarap na putahe sa ating kabuuan. Kaya’t sino nga naman ang aayaw sa pagkain lalo na kung katakam-takam ito.
Higit din sa lahat, pagkain ang nagbibigay ng lakas sa atin para malabanan at makayanan natin ang pagsubok na umaali-aligid sa ating buhay.
Mainit man ang panahon, hindi pa rin puwedeng mawala sa ating menu ang sinigang. Sa bahay nga, halos linggo-linggo kaming nagluluto ng sinigang dahil paboritong-paborito ito ng anak ko. At para nga hindi kami magsawa, iba-iba ang luto o pangunahing sangkap namin sa sinigang. Halimbawa na lang ang buto-buto. Minsan naman chicken, isda o kaya hipon.
Kunsabagay, napakasarap ng sinigang lalo na kung tamang-tama lang ang asim at alat nito.
Kakaiba nga naman ang dulot ng nag-aagawang asim at linamnam nito sa panlasa ng kahit na sinong makatitikim.
Bukod din sa karne, manok, isda o hipon, may sangkap na rin itong gulay gaya ng sitaw, kangkong at labanos kaya naman swak na swak ito sa kahit na sinong kakain.
Napakaraming bersiyon ang sinigang na talaga namang akmang-akma sa panlasa ng kahit na sinong Pinoy—bata man o matanda.
Pagdating naman sa ginagamit na pampaasim, napakarami ring puwedeng pagpilian gaya na lang ng sampalok, miso, kamias, mangga, bayabas at purong kamatis. May ilan din na gumagamit ng tomato sauce sa kanilang sinigang.
SINIGANG WITH TOMATO SAUCE
Sa mga gustong subukan ang sinigang with tomato sauce, ang mga sangkap na kakailanganin sa paggawa nito ay ang pork belly na hiniwa ng chunks, sibuyas, kamatis, patis, tomato sauce, tubig, siling pansigang o siling haba, mga gulay gaya ng sitaw, kang-kong, labanos at pampaasim.
Paraan ng pagluluto:
Simpleng-simple lamang din ang paggawa ng Sinigang with Tomato Sauce. Kumbaga, kagaya lang ito ng paggawa ng nakasa-nayan nating sinigang. Ang kaibahan nga lang ay sasamahan lang ito ng tomato sauce. Timplahan. Kapag swak na sa panlasa, puwede na itong ihanda sa buong pamilya.
May twist nga naman ang sinigang na ito at paniguradong kaiibigan ito ng mga mahihilig sa maaasim na putahe.
Hindi lang din naman sa Metro Manila sikat ang sinigang. May mga probinsiya rin gaya na lang ng Rizal na ang ginagamit sa sinigang ay sardinas. Sampalok naman ang ginagamit na pampaasim.
May ilan din naman na mangga ang ginagamit na pampaasim ng kanilang sinigang.
Tunay nga namang napakasarap kumain, at napakasarap ding mag-imbento ng mga lutuing kahihiligan ng ating pamilya. Kaya naman, kung may talent ka sa pagluluto, mag-imbento na ng mga kakaibang putahe.
Malay mo, isang araw, sumikat ang putaheng naisip mo.
Kaya’t huwag matakot na mag-imbento ng mga lutuin.
Happy cooking! (photo credits: angsarap.net, LifeGetsBetter.ph, yummy.ph)
Comments are closed.