(Siniguro ng bagong PNP chief) WALANG QUOTA,WALANG BATA-BATA SYSTEM SA PNP

TAHASANG sinabi ni Philippine National Police (PNP) Chief Gen. Benjamin Acorda Jr. na “walang quota, walang bata bata system sa ilalim ng kanyang pamumuno sa layuning maibalik nito ang magandang imahe at kredibilidad ng mga pulis.

Ayon kay Acorda, walang palakasan system na paiiralin sa loob ng organisasyon pagdating sa promosyon ng mga tauhan ng Pambansang Pulisya upang maibalik ang kredibilidad ng mga pulis .

Lubha umanong importante ang kredibilidad ng mga pulis para mapanumbalik ang tiwala ng taumbayan sa mga alagad ng batas na nirerespeto at hindi dahil kinatatakutan.

Nilinaw ni Acorda, sa hanay ng pulisya na nakabatay ang kakayahan at merito ang gagawing promosyon sa mga pulis sa ilalim ng kanyang liderato.

Samantala sa ginanap na regular Monday flag raising ceremony, binigyang diin ng heneral ang kanyang direktiba sa lahat ng units ng Pambansang Pulisya na magkaisa.

Aniya, mahalaga na may unity sa kanilang hanay upang maisakatuparan ng maayos ang misyon na protektahan, pangalagaan at bigyang seguridad ang taumbayan.

Inaatasan din nito ang lahat ng station commanders, malugod na tanggapin ang mamamayan sa kanilang mga himpilan lalo na kapag sila ay nagsusumbong.

Sa pamamagitan aniya nito, mararamdaman ng publiko na sila ay protektado ng sa ganon ay wala nang pang-aabusong mangyayari sa mga komunidad.

Samantala, muli rin nitong ipinaalala ang kanyang 5-focused agenda kabilang ang Aggressive and Honest Law Enforcement Operations, Personnel Morale & Welfare, Integrity Enhancement, Information & Communication Technology Development at Community Engagement. VERLIN RUIZ