(Siniguro ng DMW) AYUDA SA QUAKE-HIT OFWs SA JAPAN

PAGKAKALOOBAN ng Department of Migrant Workers (DMW) ng tulong ang  overseas Filipino workers (OFWs) na naapektuhan ng magnitude-7.6 earthquake na yumanig sa Central Japan noong New Year’s Day.

Inatasan na ni DMW Officer-in-Charge Hans Leo Cacdac ang Migrant Workers Office sa Osaka (MWO-Osaka) na mag-alok ng kinakailangang suporta, tulad ng kagyat na immediate medical services at financial assistance onsite, sa OFWs na naapektuhan ng lindol.

Sa pinakahuling ulat, ang malakas na lindol ay kumitil sa buhay ng hindi bababa sa  77 katao, sumira sa mga kalsada, at nagparalisa sa imprastruktura.

“We are closely monitoring the situation of OFWs, especially those who are in the Ishikawa and Toyama Prefectures to guarantee their safety. Also, we are ready to provide necessary medical and financial assistance to OFWs onsite,” sabi ni Cacdac.

Sa datos ng DMW, kabuuang 1,194 Pinoy ang naninirahan sa Ishikawa at  Toyama Prefectures. Karamihan sa mga ito ay nagtatrabaho sa  manufacturing, welding, at carpentry sectors.

Wala namang Pinoy na nasawi sa lindol, ngunit 35 ang lumikas mula sa kanilang mga tahanan dahil sa banta ng tsunami. Sinabi ni Cacdac na nakatatanggap ang DMW ng mga tawag mula sa ilang OFWs na humihingi ng tulong.

“Financial assistance is forthcoming for those who have been adversely affected by the earthquake. Halimbawa kung nasira o nagiba ang bahay o kaya ay nahinto ang trabaho o kaya kailangan ng suporta in terms of food and basic necessities, ito po ay ibibigay natin sa kanila,” aniya.

Sinabi ng DMW na inatasan ang supervising organizations at  principals na bantayan ang kaligtasan ng kanilang  deployed OFWs at i-report ang kanilang kalagayan sa MWO-Osaka.