SINIMULAN na ng pamahalaan ang repatriation sa mga Pilipinong nasa Sudan.
Ito’y matapos sumang-ayon ang mga naglalabanang paksyon na pinangungunahan ng dalawang heneral sa Sudan para sa tatlong araw na tigil-putukan upang payagan ang paglikas ng mga Pilipino at iba pang mga dayuhan.
Ayon kay Foreign Affairs Spokesperson Ma. Teresita Daza, mula 696 na Pilipino na nagpahayag ng interes na makauwi ng Pilipinas, 50 ang kasama sa unang batch na na-pull out dahil sa kaguluhan sa nabanggit na bansa.
Sinabi ng opisyal na bumiyahe ang nasabing batch mula sa Sudanese capital ng Khartoum patungong Aswan at Cairo sa Egypt na kinabibilangan ng mga estudyante.
Inaasahan naman na madaragdagan pa ang bilang ng mga Pilipinong maililikas sa mga susunod na batch.
Matatandaang sinabi ni Foreign Affairs Undersecretary Eduardo Jose de Vega na magbibigay ng plane ticket ang embahada ng Pilipinas sa Egypt, para sa mga gustong bumalik ng Pilipinas.
DWIZ 882