ANG buwan ng Pebrero ay National Arts Month (NAM) at ang National Commission for Culture and the Arts (NCCA) ang nangunguna sa mga pambansang pagdiriwang.
Ang tema para sa taong 2022 ay “Sining ng Pag-asa”. Kinikilala nito ang sining bilang bukal ng pag-asa.
Taon-taon ay ipinagdiriwang ang National Arts Month sa ilalim ng Proklamasyon Blg. 683 na nagdedeklara sa buwan ng Pebrero bilang panahon ng pagdiriwang ng ating sining at pagbibigay pugay na rin sa talento ng mga Pilipino at sa ating mayamang kultura at tradisyon.
Maraming nakalinyang programa at proyekto ang mga sumusunod na national committee para sa pagdiriwang ng NAM 2022: Architecture and Allied Arts, Cinema, Dance, Literary Arts, Music, Dramatic Arts, at Visual Arts.
Ang National Committee on Cinema ay mayroong “Cinema Rehiyon”, ang National Committee on Architecture and Allied Arts naman ay maglulunsad ng “Saan Ka Lulugar 2022, Creative as a Catalyst for Recovery”, ang National Committee on Dance ay may “Sayaw Pinoy”, ang National Committee on Dramatic Arts ay magdiriwang sa pamamagitan ng “Tanghal, a National Community and Theater Based Festival”, ang National Committee on Literary Arts ay may “Himaya, Panitikan ng Pagbabanyuhay”, “Musikapuluan” naman para sa National Committee on Music, at ang National Committee on Visual Arts ay mayroong “Bagong Biswal”.
Ang mga selebrasyon at pagtatanghal sa ilalim ng NAM 2022 ay gagawin online upang matunghayan hindi lamang ng mga tagarito sa atin, kundi pati na rin ng mga Pilipino at banyagang tagatangkilik mula sa buong mundo.
Para sa karagdagang impormasyon tungkol sa NAM 2022, maaaring bisitahin ang website ng NCCA (ncca.gov.ph).
Comments are closed.