HABANG tayo ay unti-unting bumabalik sa dati nating mga kinagawian, hindi man lubos ang pagbabalik ay may nakikita tayong mga aktibidad na kagaya ng mga live musical shows at performances, art events at exhibits sa iba’t ibang pisikal na espasyo.
Mainam na suportahan natin ang mga ito upang matulungan nating makabangon ang sining sa bansa, kasama na siyempre ang mga artista at manlilikha at ang mga pasimuno ng mga events na ito. Ito rin ay pakikiisa natin sa pagdiriwang ng National Arts Month (NAM) dito sa ating bansa ngayong Pebrero.
Ngunit kailangang gawin natin ito nang buong ingat at dapat na unahin ang ating kaligtasan at kalusugan, pati na yaong mga taong nakapaligid sa atin.
Maaaring itala ang ilan sa mga aktibidad na ito, katulad na lamang ng Bagong Biswal 2022 na proyekto ng National Committee on Visual Arts ng National Commission for Culture and the Arts’ (NCCA).
Mula March 7 hanggang 12 ay may 30 hanggang 40 artista at artist groups ang magbabahagi ng libreng webinars, exhibition walk-throughs, murals, workshop, at ilang mga performances bilang pagdiriwang ng NAM.
Ang Visual Arts and Museum Division naman ng Cultural Center of the Philippines’ (CCP) ay naglunsad din ng kampanya upang ipagdiwang ang NAM at gunitain ang ika-36 na anibersaryo ng EDSA People Power ngayong buwan ng Pebrero.
Ang “People Power 1986: Where were you? Mga sanaysay mula sa sining biswal” ay isang social media campaign para sa Pasinaya CCP Open House Festival 2022 na ginaganap mula February 20 hanggang 27. Ang mga visual artists ay inaanyayahang magbahagi ng kanilang mga kwento, karanasan, at sining na ginawa noong 1986 EDSA Revolution (o ginawa tungkol dito). Maaaring bisitahin angFacebook page ng CCP para sa karagdagang detalye at upang malaman kung paanong makasali sa kampanyang ito.