Q: KUMUSTA po, Atty. Kapunan? Ang pangalan ko po ay Nina at sa kasalukuyan, wala po akong trabaho. Dati po akong namamasukan bilang kahera sa isang supermarket. Mga dalawang taon na rin po akong nagtatrabaho roon. Sa kasamaang-palad nga lamang, ako pa ay nasisante dahil ang pinsan ng may-ari ng supermarket ay nangailangan ng trabaho. Wala na kaming bakanteng posisyon noon at ako po naman ang pinakabago sa mga empleyado kaya ako na ang napiling bitawan. May habol po ba ako sa dati kong boss?
A: Nina, may habol ka pa sa iyong dating boss. Bilang isang empleyado ng iyong boss, iilan lamang ang mga rason na maaari niyang pagbasehan upang ikaw ay tanggalin sa trabaho. Ayon sa Labor Code, ang mga ito ay ang just causes o kaya ay ang authorized causes. Nasasama sa just causes ang malubhang kasamaan ng asal sa trabaho o ang sinasadyang hindi pagsunod sa utos ng nakatataas sa’yo, ang malubha at malimit na kapabayaan, ang paglabag sa tiwala ng iyong boss, o ang pagsasagawa ng isang krimen laban sa iyong boss o sa kanyang awtorisadong kinatawan, o ‘di kaya sa nalalapit niyang kapamilya, o iba pang natutulad sa mga nasabi na.
Nasasama naman sa authorized causes ang pag-install ng mga mekanismo na makapagtitipid sa gastos ng employer, ang kalabisan ng bilang ng mga empleyado, ang pagkalugi, ang pagkakasakit ng employee na makasasama na sa kanya o kaya sa kanyang mga kapwa empleyado ang pagtutuloy ng trabaho, o iba pang natutulad sa mga nasabi.
Base sa iyong mga nasabi, wala sa naturang mga rason ang dahilan ng pagsisisante sa’yo ng iyong boss. Maaari mo siyang kasuhan ng illegal dismissal.
Q: Magandang araw po, Atty. Kapunan. Ako po si Angelo, naninirahan sa Parañaque City. Gusto ko lang po sanang magtanong kung ano ang puwede kong ikaso sa kasambahay ko na ninakawan ako ng cellphone. Ilang araw ko rin pong hinanap ang aking cellphone. Malaman-laman ko na lang po, sa pagtawag sa number ko, na naibenta na po pala ng kasambahay ko ang aking bagong iPhone sa Intramuros.
A: Salamat sa iyong tanong, Angelo. Base sa Revised Penal Code, maaari mong kasuhan ang iyong kasambahay ng Qualified Theft. Ayon sa nasabing batas, ang isang kasambahay na nagnakaw ng bagay mula sa kanyang amo, at may nais na pagkakitaan ito – gaya na lamang ng iyong inilarawan – ay maaaring madala sa korte ayon sa nasabing krimen.
Comments are closed.