MAY mga paninira na namang lumalabas laban sa mga Marcos.
Kung ano-anong ibinabato sa kanila na wala namang katotohanan.
Kamakailan, itinanggi naman ni Senior Deputy Majority leader at Ilocos Norte Rep. Sandro Marcos na siya ang itatalagang presidente at chief executive officer (CEO) ng Maharlika Investment Corporation (MIC).
Kung hindi ako nagkakamali, ang MIC ang mamamahala sa Maharlika Investment Fund (MIF) na siyang unang sovereign wealth fund ng bansa.
Malamang paninira lang ito sa mga Marcos. Alam naman natin na ang mga kalaban ay gumagawa at gumagawa talaga ng mga isyu laban sa kanila kahit na malayo sa katotohanan.
Samantala, tuloy-tuloy ang pagsulong ng HEALING Agenda ni Quezon Province Governor Dra. Helen Tan na may kahulugang Health, Livelihood, Education, Agriculture, Infrastructure, Nature & Environment/ Tourism at Good Governance.
Nagpaliwanag naman ang pamahalaang panlalawigan kung bakit kailangang palitan ang pangalan ng mga pampublikong ospital sa probinsya.
”Ang pagpapalit-pangalan ng mga pampublikong ospital sa Quezon ay hindi isang palamuti lamang. Ito ay bahagi ng gumugulong na Province-Wide Health System Integration ng ating Universal Health Care Law. Ito rin ay bahagi ng Konsulta Sandbox kung saan ang Quezon ay isa sa apat na probinsyang mapalad na napagkalooban sa buong Pilipinas, ” ayon sa tanggapan ng gobernadora.
”Sa pamamagitan ng Quezon Provincial Hospital Network sa buong probinsya, mabubuo natin ang isang service provider network na may sentralisadong sistema kung saan pupunta ang ating mga kalalawigan upang matanggap ang serbisyong medikal. ”
Nabanggit din ni Gov. Tan na ito ay ang konsepto nila ng Universal Health Care. ”Ang maging isang konektadong network na nagtutulungan sa pagbibigay ng serbisyo. Sharing of resources. Kapag nahihirapan ang isa, tutulungan ng may kaya. Hindi natin papayagan na basta na lamang susuko ang pasyente dahil kulang o walang serbisyo sa pagamutan, ” aniya.
Dagdag pa ng masipag at energetic na gobernadora: ”Malinaw kung saan pupunta at dadalhin dahil mayroon tayong navigation system na makikita sa pangalan ng bawat ospital na kabilang sa service provider network ng buong lalawigan. ”
Mabuhay po kayo, mga bossing, at God bless!