SINO ANG IEENDORSO NI PRRD?

Erick Balane

HANGGANG ngayon ay palaisipan pa rin kung sino ang susuporatahan ni Pangulong Rodrigo Duterte sa hanay ng presidentiables para sa halalan sa Mayo.

Bakit nga ba tahimik si Presidente Digong hanggang sa mga sandaling ito para sa napupusuan niyang pumalit sa kanyang puwesto?

Walang duda na sa pagka-bise presidente ay ang anak niyang si Davao City Mayor Sara ‘Inday’ Duterte-Carpio ang kanyang kandidato.

Kung ating sasariwain ang sistema ng politika sa Pilipinas, ang incumbent president, batay sa sarili niyang kaisipan, ay may ‘annointed one’ na sa kanyang palagay ay ‘best qualified’ na humalili sa kanyang iiwanang posisyon. Kung sabagay, iba ang politika sa bansa, kumpara sa ibang nasyon – kung saan ang nakaupong presidente ang mas nasusunod at hindi ang partidong kinaaaniban.

Silipin natin ang naging sistema noong kapanahunan ni late President Corazon Cojuangco Aquino na sa pagtatapos ng kanyang termino ay inendoso niya ang kanyang Defense Secretary noon na si Fidel Valdez Ramos na hindi niya ka-partido.

Sa pagwawakas ng kanyang termino, inendoso naman ni Ramos si dating House Speaker Jose De Venecia, Jr., ngunit sa kasamaang-palad ay tinalo ito ni noo’y opposition bet Joseph ‘Erap’ Estrada na nang lumaon ay pinalitan  ni Gloria Macapagal-Arroyo matapos ma-impeach si Erap.

Sa last term ni late President Benigno Aquino III, ang ka-partido nitong si former Interior and Local Government Secretary Mar Roxas ang inindoso nito, subalit tinalo ni Duterte.

Ngayon ay tahimik pa si Pangulong Duterte sa kung sino ang kanyang ieendoso sa hanay ng mga presidentiable matapos na umatras sa presidential race ang dalawa sa matapat niyang kaibigan na sina Senators Bong Go at Bato Dela Rosa.

Sa mga survey ay mataas pa rin ang trust rating ni Digong, indikasyon na malakas pa rin ang hatak niya sa tao kung sinuman ang kanyang ieendorso.

Sa ngayon ay tila wala pa siyang napupusuan sa susuportahan niya sa presidential race.  At ito ay isang malaking katanungan at palaisipan sa political circle at maraming naghihintay sa kanyang ieendoso.

Habang tahimik si Presidente Duterte, mayroon namang ugong-ugong na si Manila Mayor Isko Moreno ang posibleng iendoso nito sa presidential race.

Noong mag-withdraw ng CoC sina Go at Dela Rosa, inihayag ni Mayor Isko ang kagustuhan nitong iendoso ni Presidente Duterte, subalit walang kibo sa isyung ito ang Malacanang.

Tumatagal ay lalong  nananahimik ang Chief Executivce sa isyu ng endorsement.

Indikasyon kaya ito na si Bongbong Marcos ang lihim na susuportrahan ng Pangulo sa darating na May 22 polls?

vvv

(Para sa komento o opinion, mag-text lamang po sa  09266481092 o mag-email sa drerickcbalane@mail.com.)