Mga laro ngayon:
(Mall of Asia Arena)
9 a.m. – NU vs Ateneo (Women Final Four)
11 a.m. – UST vs UP (Women Final Four)
2 p.m. – Ateneo vs AdU (Men Playoff)
MAGSASALPUKAN ang defending champion Ateneo at ang Adamson para sa nalalabing Final Four berth sa UAAP men’s basketball tournament ngayon sa Mall of Asia Arena.
Ang mananalo sa 2 p.m. do-or-die playoff ay makakaharap ng top-ranked University of the Philippines sa Final Four sa Sabado.
Sa isa pang Final Four pairing ay magbabakbakan ang second-ranked La Salle at No. 3 National University.
Armado ng twice-to-beat bonus, ang Fighting Maroons at Green Archers ay kailangan lamang manalo ng isang beses upang umabante sa best-of-three Finals.
Ang Blue Eagles at Falcons ay nagtapos na may 7-7 marka sa pagtatapos ng eliminations.
Nabigo ang Ateneo na makopo ang No. 4 spot makaraang yumuko sa La Salle, 69-72, noong Sabado.
Determinadong makapasok sa Final Four, kinailangan ng Adamson na pataubin ang NU, 68-62, at University of the East, 63-61, sa game-winning triple ni Monty Montebon, upang manatili sa kontensiyon.
Na-split ng Blue Eagles at Falcons ang kanilang elimination round head-to-head, kung saan namayani ang Adamson sa first round, 74-71, sa overtime sa late triple ni Vince Magbuhos , at nakaganti ang Ateneo sa 62-58 victory.
Naglalaro sa kanilang kauna-unahang playoff para sa No. 4 spot sa Final Four era, ang Blue Eagles, na may roller-coaster season, ay umaasa na mapapalawig ang kanilang title-retention campaign.
Ang Ateneo ay huling hindi nakapasok sa Final Four noong 2013.
“I hope we get in. That’s the biggest thing,” sabi ni Baldwin hinggil sa kanilang Final 4 dreams.