Laro ngayon:
(Araneta Coliseum)
7 p.m. – Meralco vs TNT
Game 3, serye tabla sa 1-1
MAKARAANG itabla ang best-of-five series sa 1-1 sa pamamagitan ng blowout win sa Game 2, sisikapin ng Meralco na kunin ang ikalawang sunod na panalo at lumapit sa finals laban sa mababa ang morale na Talk ‘N Text sa Governors’ Cup semifinals ngayon sa Araneta Coliseum.
Tangan ang momentum at tumaas ang adrenalin at confidence level sa nakaraang panalo, sasagupain ng Bolts ang Tropang Texters sa alas-7 ng gabi na determinadong tustahin ang sister team sa pamamagitan ng kanilang mainit na boltahe.
Sasamantalahin ni Meralco coach Norman Black ang pagkakataon para palakasin ang kampanya ng kanyang tropa na makasambot ng isang puwesto sa finals.
Gutom si Black sa titulo makaraang bigyan ng 11 titulo ang San Miguel Beer nang hawakan niya ito, kabilang ang grandslam noong 1989.
Bigo si Black na sungkitin ang korona noong 2016 at 2017 Governors’ Cup makaraang yumuko sa Barangay Ginebra.
Kailangang paganahin ulit ni Black ang buong makinarya ng koponan para mapigilan ang Tropang Texters na makaresbak at kunin ang 2-1 bentahe sa serye.
Muling sasandal ang Bolts kay import Allen Durham na mangunguna sa scoring, katuwang sina Baser Amer, Chris Newsome, Jeff Hodge, Antonio Jose Caram, Raymond Almazan, Allein Maliksi, John Pinto, Kier John Quinto at Travis Jackson.
Tatapatan naman ni KJ McDaniels si Durham na aalalayan nina Jayson Castro, Roger Pogoy, Bobby Ray Parks, Ryan Reyes, Troy Rosario, David Semerad, at Kelly Williams. CLYDE MARIANO
Comments are closed.