SINO ANG LIDER NA MAY ‘K’?

rene resurrection

“ANG taong mapagbigay ay lalong yuma­yaman, ngunit naghihirap ang tikom na mga kamay. (Kawikaan 11: 24)  Ang ibig sabihin ng ‘K’ ay karapatan – karapatang mamuno sa iba, karapatang mag-utos sa iba, karapatang magturo sa iba.  Sa wikang Ingles, ang ibig sabihin nito ay ‘cre­dibility’.  Ginagawa nito ang isang tao na maging kapani-paniwala.  Maaasahan mo ang sinasabi.  Hindi siya puro salita ngunit wala namang gawa. Kaunti lang ang mga taong may kredibilidad.  Kaunti lang ang mga taong may karapatang magsalita, mamuno, mag-utos at magturo sa iba.  Ang karamihan ay puro lang salita.  Ang marami ay puro lang balatkayo, mga hindi maaasahan.  Ang ma­rami sa mga ito ay mga politiko.

Para sa akin, para maging credible ang isang lider, dapat ay may karunungan siyang mangasiwa nang mabuti ng kaperahan niya.  Bagay na bagay sa mga Kristyanong mga pinuno ang maging bukas kung magbigay.  Para sa akin, ano ang karapatan ng isang taong mamuno sa ibang tao kung ang gulo-gulo ng kanyang kaperahan. Kung baon sa utang ang isang tao, nanga­ngahulugan ito na hindi magaling mangasiwa ang taong ito.  Nagpapahayag ito ng kakulungan ng karunungan.  Kung hindi kaya ng isang taong pangasiwaang mabuti ang kaperahan niya, ano pa kaya ang kaya niyang pangasiwaang mabuti?

Hindi naman pera ang pinakamahalagang bagay sa mundo, subalit nagsisimbolo ito ng mga kayamanan at ari-ariang dapat pangasiwaang mabuti.  Napakalohikal ng pangangasiwa ng pera.  Sentido común (common sense) o karaniwang pag-iisip lamang ang kailangan para mapangasiwaang mabuti ito.  Ang masaklap nga lamang, parang kaunti na lang ang mga taong may karaniwang pag-iisip. Parang naging hangal na ang mara­ming tao.  Nagdidilim ang pag-iisip ng marami.  Kung may common sense ka sa panahong ito, para kang may supernatural power.

Kung magaling kang mangasiwa ng pera, magiging maayos at malinis ang lahat ng pamamaraan mo ng pagkita, pagpipigil, paggastos, pag-iipon, pamumuhunan, pagbibigay, atbp.  Hindi ka kukulangin.  Hindi ka kailangang umutang.  Magkakaroon ka ng sobra o surplus.   Kaya mong magbigay.  Kaya mong tumulong sa mga nangangaila­ngan.  Makapag-aambag ka sa simbahan at marami pang ibang magagandang layunin.  Imposibleng manatili kang mahirap.  Kaya mong maging gene­rous giver.  Magiging tulad ka sa isang punongkahoy na hitik-hitik sa bunga.  Ma­rami ang makikinabang sa iyo.  At mapupuspos ka ng kaligayahan at kaganapan sa buhay.  Tataba ang puso mo.  Magiging kalugod-lugod ka sa kapuwa Diyos at tao.  Ito ang magandang buhay.

Subalit, kung palpak ang pangangasiwa mo sa pera, ano ang mangyayari?  Lagi kang kinukulang.  Dapat kang umutang para matugunan ang lahat ng iyong panga­ngailangan sa buhay.  Hindi mo kayang buhayin ang iyong pamilya.  Nagkukulang ka sa iyong tungkulin sa iyong sambahayan.  Dahil palautang ka, lalong palala nang palala ang kalagayan ng iyong kape­rahan.  Nagiging istorbo ka sa ibang tao.  Naiinis ang maraming tao sa iyo dahil masyado kang palaasa, palahingi, at mukhang libre.  Nagiging isang pabigat ka sa lipunan.  Wala kang nabibigyan ng tulong dahil nga para lang sa pan-gangailangan mo, kulang na kulang na ang iyong kinikita. Wala kang mabuting pinagkakakitaan.  Bulagsak ka sa pera. Tuwing magkakapera ka, gagastusin mong lahat-lahat, agad-agad. Wala kang ipon. Wala kang perang ipinupuhunan para lumaki at umunlad pa ito. Ang gulo-gulo ng buhay mo.  Wala kang disiplina. La­ging kulang. Hingi ka nang hingi ng tulong. Utang ka nang utang. Nagiging pabigat ka sa ibang tao.  Tuloy iniiwasan ka.  Para kang salot. Iyan ba ng gusto mong uri ng pamumuhay? ‘Pag ganito ang kalagayan mo, may karapatan ka bang mamuno sa iba? May karapatan ka bang mag-utos at magturo sa iba? ‘Pag magtuturo ka, baka sabihan ka ng iyong mga tagapakinig, “Doctor, pagalingin mo muna ang sarili mo!”

Kaya para maging isang taong may karapatang mamuno, mag-utos, at magturo sa iba, husayan mo ang pangangasiwa ng iyong kaperahan.  ‘Pag ginawa mo ito, makikita ka bilang isang taong may matalas na common sense, isang taong puspos ng karunungan, at kinakasihan ng Diyos.  Ang payo at katuruan mo ay may wastong timbang.  Ang mga sinasabi mo ay batay sa katotohanan at nagbibigay ng mabuting bunga sa lahat ng makikinig at susunod.

Tandaan: Sa kaka­singko-singko, nakakapiso; sa kakapiso-piso, nakaka-isang libo.

Comments are closed.