SINO ANG MAG-AAKALA, PUWEDENG MAGING PANGULO SI ISKO!

NATAWAG ang pansin natin sa isang lumang litrato na kasama ng batang si Isko Moreno Domagoso ang mga kaklase niya sa Tondo High School.

Nakasuot ng puting polo shirt at itim na pantalon, nakangiti si Isko – na tawag-pansin ang gandang lalaki – na hindi tayo magkakamaling sa paaralan, siya ang ‘crush’ ng maraming babae sa kampus ng paaralan.

Sa larawan ay nakasulat: “TBT [Throwback Thursday] mga Batang Maynila! Buhay Public High School.

Mayroon ka rin bang picture ng mga classmates ninyo?”

Isa nga sa pinakamasayang parte ng buhay ng kabataan ay ang karanasang natutunan sa eskuwelahan, lalo na ang high school days.

Madalas, kung babae ang titser, manghang-mangha ang nagtitin-edyer na lalaki sa talino ni Ma’am at karaniwan na, nai-in love sa guro, at marahil, hindi man aminin, naranasan din ito ng tinedyer na si Domagoso.

Kaya nga, pag tinatanong si Yorme Isko kung ano ba siya noong estudyante siya, tanging nasasabi niya, “basta masaya talaga ang high school life ko.”

Ilan kaya ang naging girlfriend niya sa high school, tanging ngiti lang ang madalas na sagot ni Yorme sa mausisang media.

o0o

Mas tamang sabihin na kulang ang isa sa babaeng si Isko ang mismong niligawan, kaysa siya ang nanligaw, kasi ang sinasabi niya, paano siya manliligaw, e iisa lang ang pantalon at polo shirt niya, at madalas wala siyang baon o kung mayroon man, etneb lang ang laman ng bulsa niya.

Sa music video nga niya, ang “Nais Ko,” mas pokus ang buhay tinedyer ng nagbibinatang si Isko ay ang maghanapbuhay sa kalye: magdiyaryo-bote at kung ano pang mahahalungkat sa basurahan para may kaunting barya, o kaya ay magpadyak drayber at mananghalian ng fishball kung walang gaanong kita.

Suwerte nga lang at naispatan siya ng isang talent manager, at alam na natin ang naging istorya ng buhay-artista ni Isko Moreno.

Naging matinee idol at sumikat nga kaya nakaangat sa buhay-basurahan at naging popular sa mata at puso ng madlang pipol.

Iba nga ang karisma ng makintab na bituin ng entertainment industry at si Isko ang naging bukambibig ng mahihilig sa aliwang palabas sa telebisyon at pelikula.

o0o

Nagtagumpay sa showbiz at nang pasukin ang politics, sa una ay mahirap pagkat hinusgahan ang kakayahan, kaalaman at katuturan sa galaw at isyung bayan.

Lahat ng kantyaw na nagmamaliit sa kanya ay nalampasan ni Yorme Isko kaya matagumpay na tatlong ulit na naging konsehal, tatlong ulit na bise-alkalde, at ngayon nga, matapos ang kahanga-hangang akomplisment sa loob ng mahigit na dalawang taon na alkalde ng Maynila, nasa bibig at isip ng maraming botante si Isko na magpapabago sa Pilipinas, pagbigyan lang ng pagkakataong maging Presidente sa 2022.

Sa bibig mismo ni Cebu 3rd District Rep. PJ Garcia nang ipakilala niya si Isko sa okasyon ng awarding ceremony ng Sugpo Negosyo noong Disyembre 7, 2021, buong pagmamalaking ipinakilala niya si Yorme na “the next President of the Philippines.”

Inamin ni Rep. Garcia na siya ay “fascinated” kay Yorme Isko sa napakaraming matagumpay na proyekto nito sa pabahay, kalusugan, edukasyon, negosyo, trabaho, mabilis na kilos laban sa pandemyang COVID-19 at mapusong malasakit sa mahihirap at mas maraming pamilyang Pilipino.

Hindi lang si Garcia ang manghang-mangha kay Isko, maraming lider politiko, negosyante, propesyonal, entrepreneur, intelektwal at lalo na ang karaniwang tao ang lantarang nagsasabi na sila ay “impressed” sa kakayahan, talino at malasakit ni Yorme Isko.

o0o

Tama nga ang sabi ng isang netizen sa larawan ng batang Isko na kasama ang mga kaklase sa Tondo High School, aniya:

“Sino po ang mag-aakala na ang ganyang simpleng bata, mumurahin ang sapatos, isa lang ang uniporme eh magiging Mayor ng Maynila?

“Akalain mo yun? Hindi hadlang ang kahirapan sa buhay upang pangarap ay marating.”
Sasabihin natin dito:

“E, sino ba ang mag-aakala na ang fascination ng madla ay magiging totoo nga na si Yorme Isko ang magiging susunod na presidente ng Filipino nation.”

o0o

Para sa inyong mga suhestyon, reaksyon at opinyon ay mag-email lang sa [email protected].