KAHAPON ay nabasa ko ang kolum ng isang kilalang public servant na nagserbisyo rin sa ating Hukbong Sandatahan. Siya ay si Ret. Gen. Ramon Farolan. Natuwa ako sa paksa ng kanyang kolum dahil kilalang-kilala ko ang taong tinutukoy niya. Siya ay si AFP Vice Chief of Staff Lt. Gen. Salvador Mison, Jr.
Ang paksa ng kolum ni Farolan ay tungkol sa kanyang pananaw na si Mison ang nararapat na susunod na AFP chief of staff. May punto si Farolan dito kung ang ating pagbabasehan ang kuwalipikasyon at seniority sa AFP. Inihambing ni Farolan ang pagtatalaga ni Pangulong Duterte sa bagong Chief Justice ng Korte Suprema na si Justice Teresita Leonardo de Castro. Namutawi sa bibig ni Pangulong Duterte na seniority at hindi politiko ang batayan ng kanyang desisyon. Sinabi pa ni Duterte na “Everyone in the civil service, the military, everybody — seniority serves as the conveyor — it will be the same for all justices… all of them are trained. Everyone in the military observes that, no bypassing, no political colors allowed. So merit system.” Boom! Hindi ba sakto kay Mison ang sinabi ni Pangulong Duterte?
Ngunit hindi ito ang paksa ng aking kolum. Kilala ko ang karakter at personalidad ni Mison. Bakit? Dahil naging klasmeyt ko siya noong nag-aaral pa kami sa Claret School sa Quezon City. Hindi ako nagtaka na ang karera ng pagsusundalo ang kanyang tinahak.
Noong bata pa kami, makikita mo na sa kanya ang mga katangian ng isang magiting na sundalo. Honor student si Mison.
Naging opisyal namin sa Citizen’s Army Training (CAT). Mahilig sa sports. Magalang ngunit matapang. Walang alangan sa kanyang mga desisyon sa group studies namin. Pala-kaibigan siya sa lahat, ngunit namimili ng mga tunay na kaibigan.
Sinasabi ko ito dahil ito ang tunay na ugali ni Mison o mas kilalang ‘Jun’o ‘Badong’.
Tanungin ninyo ang mga nakatrabaho ni Mison sa Hukbong Sandatahan, ang sinabi kong karakter noong kami pa ay nag-aaral ay ganoon pa rin kung papaano niya harapin ang mga pagsubok sa kanyang propesyon bilang isang ‘officer and a gentleman’. Hindi umangat sa ranggo sa militar si Mison sa pamamagitan ng pamumulitika o pagsisipsip. Naabot niya ang kanyang posisyon sa AFP dahil sa kanyang sariling merito. Masigasig siyang nag-aral at kumuha ng sapat na karanasan upang makamit ang kuwalipikasyon sa pag-angat sa ranggo. Maayos ang lahat ng mga sangay sa AFP na kanyang hinawakan. Walang anomalya. Walang gusot.
Subalit alam naman natin na ang pagpili sa posisyon ng AFP Chief of Staff ay prerogative ng nakaupong pangulo. Kailangang nandoon ang tiwala ng presidente sa pinuno ng Hukbong Sandatahan. Malaking bagay ito. Kaya nga ito ang tanong ko… sino ang susunod na AFP Chief of Staff? Maraming kuwalipikado sa posisyon na ito. Madami rin ang magsusulputan na mga pangalan sa mga susunod na araw na maaaring kandidato sa pinakamataas na puwesto sa Hukbong Sandatahan ng Filipinas. Si Lt. Gen. Mison ang naging paksa ng aking kolumn dahil nais kong ibahagi sa inyo ang tunay na pagkakakilala ko sa kanya.
Ang tatlong estrella bilang heneral na nakamit ni Mison ay maaaring tugatog na sa kanyang pagiging sundalo. Ipagpapatuloy niya ang kanyang tungkulin bilang AFP vice chief of staff hanggang siya ay magretiro sa serbisyo. Professional soldier si Mison. Hindi siya umaasa na makuha ang posisyon na AFP Chief of Staff. Subalit hindi rin kasi maiiwasan na lumutang ang pangalan ni Mison bilang isa sa mga kandidato sa nasabing puwesto. Malapit na kasing magretiro sa serbisyo ang kasalukuyang hepe nila na si Lt. Gen. Carlito Galvez. Para kay Mison, trabaho lang ito. Ngunit kapag nag-iba ang ihip ng hangin at pinili siya bilang susunod na AFP Chief of Staff, asahan ninyo na gagampanan niya ito sa abot na kanyang makakaya para sa bayan.
Comments are closed.