SINO BA ANG DAPAT SISIHIN? SI REYES O SI BALDWIN?

ANG larong basketbol ay isa sa pangunahing laro na kinagigiliwan, kinalolokohan at sinusubaybayan ng mga Pilipino.

Tuwing nananalo ang isang koponan, ang palaging nagbibida ay ang galing at husay ng mga manlalaro.

Subalit kapag ang paboritong koponan ay laging talunan, ang unang sisisihin ay ang kanilang coach.

Hindi ito nalalayo sa NBA at sa PBA. Kadalasan ay pinapalitan ang coach kapag mahina ang naitalang panalo at mas maraming talo sa liga.

Kaya naman, dito sa isyu ng Samahang Basketbol ng Pilipinas, ang ating mga basketbol fans ay sinisisi ang SBP at si coach Chot Reyes sa pagkatalo ng Gilas Pilipinas sa katatapos na Window 3 ng FIBA Basketball World Cup 2023 Asian Qualifiers na ginanap sa Indonesia noong nakaraang buwan. Dagdag pa rito ang pagkatalo ng Pilipinas laban sa Indonesia nitong SEA Games sa gintong medalya sa basketbol na siya rin ang coach.

Subalit malinaw ang pahayag ni SPB President Al Panlilio sa dahilan kung bakit hindi maganda ang performance ng Gilas Pilipinas sa nasabing dalawang torneo.

Hindi biro ang magbuo at magsuporta ng isang malakas na koponan sa basketbol. Kailangan ng dedikasyon ng mahabang panahon, at patuloy na pagpondo upang makamit ito.

Hindi ito tulad ng isang liga sa eskwelahan o barangay na maghahanap ka lamang ng marunong at magaling maglaro ng basketball na kaunting praktis at maaari ng sumabak na sa liga. Palagay ko alam natin lahat ito subalit hindi natin inuunawa kung ano ang nasa likod sa pagbuo ng isang malakas na Gilas Team.

Tulad ng paliwanag ni Panlilio, nag-ugat ang problema noong tinamaan tayo ng pandemya. Ipinagbawal ang Gilas Team na magpraktis sa ilalim ng patakaran ng health safety protocols ng ating pamahalaan.

Kaya naman naghanap ng pamamaraan na makapaglaro ang ibang players ng Gilas sa ibang bansa. Ang tanong…ano ang ginawa ng dati nilang coach na si Tab Baldwin? Bakit hinayaan niya? Sumangguni ba siya sa SBP o kay Panlilio tungkol dito?

Dagdag pa rito ay si Baldwin mismo ay umayaw na mag-coach sa Gilas simula ng buwan ng Pebrero. Magpo-focus muna daw siya sa Ateneo para sa UAAP. Ha? Mas inuna pa ang UAAP para sa bansa? Nag-champion ba ang Ateneo? Hindi ba at natalo sila sa UP?

Kaya naman sang-ayon ako sa depensa ni Panlilio kay coach Chot Reyes. Alam niya na mahirap mag-umpisa muli na magbuo ng malakas at mahusay na koponan sa ibinigay na maikling panahon.

Mas saludo pa ako kay Reyes dahil bagaman alam niya na babatikusin siya ng mga kapwa niya Pilipino kapag hindi nanalo ang Gilas Team sa mga hinaharap na torneo dahil sa kulang sa preparasyon, handa siyang akuin ito.

Hindi ba nakikita ng iba ito? Handang tanggapin ang mabigat na hamon na mag- coach ng Gilas Team si Reyes maski na kulang sa preparasyon at paghahanap ng kapalit sa mga manlalaro na umalis sa koponan.

Kaya naman bigyan natin ng malaking pag- unawa sa sitwasyon ngayon ng Gilas at SBP. Suportahan natin imbes na batikusin. Hindi madali ang kalagayan na iniwang problema ni Tab Baldwin. Kaya naman nagtataka ako kung bakit may mga ilan diyan na nais ibalik si Baldwin sa Gilas samantalang siya nga ang nang-iwan sa ere kaya nalagay sa alanganin ang programa ng Gilas.

Hindi si Tab Baldwin ang susi sa pagbangon muli ng Gilas Team. Ang SBP, mga malaking korporasyon na handang tumulong magpondo sa ating basketball program, ang PBA, mga players na nasa ilalim ng Gilas Team, ang gobyerno at mga kapwa Pilipino ang mga susi upang magtagumpay ang Gilas Pilipinas.

Ipagpatuloy ang sigaw natin…PUSO!!!