ITO ngayon ang isa sa pinakamainit na ‘marites’, sino ang papalit sa nagbitiw na puwesto bilang Press Secretary ni PBBM na si Atty. Trixie Cruz-Angeles. Sa totoo lang, ako ay nanghihinayang kay Sec. Angeles. Wala naman kasing napabalitang malaking kapalpakan siya sa pagbibigay pahayag at anunsyo mula kay PBBM at sa Palasyo.
Malumanay ang dating at mahinahon magsalita. Bukod pa rito ay nakatutulong ang kanyang pagka-abogado sa pagsagot sa mga kasamahan natin sa media na naghahanap ng mga maiinit na balita.
Ang aking ama ay nagsilbing Press Secretary noong panahon ni Pangulong Fidel V. Ramos. Siya po ay si Jess Sison. Nakita ko ang mabigat na responsibilidad na bitbit niya bilang tagapagsalita ni FVR. Sa totoo lang, ang isa sa pinakamahalaga na kwalipikasyon ng isang Press Secretary ay ang tinatawag na “trust and confidence” mula sa Pangulo.
Dapat ay kilala niya nang husto ang pag-iisip at karakter ng kanyang Pangulo upang maging epektibo ang kanyang panunungkulan bilang Press Secretary.
Ang aking ama ay matagal nang kilala ni FVR. Parehas pa silang taga- Pangasinan. Maliban dito ay ilang dekada na naging mamamahayag at bilang opisyal sa Department of Finance public relations officer.
Nakita ko ang magandang relasyon na naitaguyod ng aking ama.
Para sa akin, ang mga nabanggit kong aspeto ang pinakamahalaga bilang maging magaling at epektibong Press Secretary ni Pangulong Bongbong Marcos. “Trust and confidence” sa Pangulo, magaling sa pananalita, alam niya ng mabuti ang pag-iisip ng Pangulo at magandang reputasyon at relasyon sa mga mamamahayag.
Sa ngayon, apat na pangalan ang lumulutang bilang susunod na Press Secretary. Ito ay sina DoTR Undersecretary Cesar Chavez na isang dating mamamahayag at nanungkulan din sa iba’t ibang posisyon sa mga nakaraan na administrasyon. Nandiyan din ang dating TV broadcaster at kasalukuyang director ng PAGCOR na si Gilbert Remulla at kapatid ni DOJ Secretary Jesus Crispin Remulla. Kung matuloy ito, maaaring ito ang kauna-unahan na may magkapatid na parehas na miyembro ng gabinete.
Lumutang din ang pangalan ni Dante “Klink” Ang na anak ni Dante Ang ng Manila Times at malapit na kaibigan ni dating Pangulong Gloria Arroyo. Si Klink ang ang presidente ng Manila Times at malalim ang kaalaman tungkol sa media.
Isa pa sa napag-uusapan ay si Atty. Mike Toledo ng MVP Group. Si Toledo ay naging Press Secretary ni Pangulong Joseph Estrada. May karanasan na siya sa nasabing posisyon. Abogado at kilala rin sa mundo ng media.
Abangan na lang natin kung sino ang napipisil ni PBBM na itatalaga bilang susunod na Press Secretary.