SA NGAYON, ang ulo ng mga balita at pinag-uusapan ay kung kailan makukumpleto ang miyembro ng gabinete ni Pangulong Bongbong Marcos, ilang araw na lang ang nalalabi bago siya opisyal na manungkulan bilang ika-17 Pangulo ng Pilipinas.
Kahapon ay nagkaroon ng karagdagang miyembro ng gabinete. Ito ay ang dating presidente at chief operating officer ng Philippine Airlines (PAL) na si Jaime “Jimmy” Bautista bilang bagong kalihim ng Department of Transportation (DoTR). Tulad ng isinulat ko sa mga nakalipas kong kolum, tila nais ng administrasyon ni BBM ay napapaligiran siya ng mga technocrat at mga masasabing haligi sa kani-kanilang industriya.
Sigurado ako na sa mga susunod na araw, magkakaroon na rin ng anunsiyo kung sino ang mamumuno ng Department of Health, Department of Environment and Natural Resources, Department of Foreign Affairs, Department of Science and Technology at Department of Energy.
Subalit may isang sangay ng pamahalaan na malapit din sa aking puso. Ito ay ang sports. Alam naman natin lahat na ang palakasan o isports ay isa sa nagbibigay dangal at karangalan sa ating bilang isang Pilipino. Nagkakaisa ang Pilipino tuwing may nasungkit na medalya o kampeonato ang ating mga atleta sa mga paligsahanng internasyonal.
Ganoon pa man, kailangan pa ring ayusin at paigtingin ang ating sports development program. Kaya mahalaga rin kung sino ang pipiliin ni BBM bilang susunod na chairman ng Philippine Sports Commission (PSC). Sa ngayon, ang mga lumulutang ng pangalan ay sina dating PBA commissioner Noli Eala, dating Philippine Olympic Committee (POC) chairman Tom Carrasco, sepak takraw chief Karen Tanchanco at si kickboxing secretary general Wharton Chan.
Sa akin lang, mahalaga na ang susunod na PSC chairman ay agresibo at magaling mag-isip ng mga kakaiba at modernong programa upang umangat ang kalidad ng ating mga atleta para sa international competition. Maganda rin dapat na ang kanyang ugnayan at koneksiyon sa mga malalaking korporasyon sa ating bansa ay matibay upang mahikayat silang tumulong sa ating sports program.
Malinaw sa Sec. 6 ng RA 6847 na nagtatag sa PSC, “ a) To provide leadership, formulate policies and set priorities and direction of all national amateur sports promotions and development , particularly giving emphasis on grass-roots participation; b) Encourage wide participation of all sectors,
GOVERNMENT and PRIVATE in amateur sports promotion and development…”
Kaya naman sa mga lumulutang na pangalan, nakikita ko na ang makagagawa nito ay si dating PBA commissioner Noli Eala. Malaki ang kanyang karanasan sa pakikipag-ugnayan sa mga PBA team.
Nandiyan ang San Miguel Corporation, Metro Pacific Investments Corporation na parehas na may mga ilang koponan na kalahok sa PBA.
Sa katunayan, si Eala ang isa sa mga utak ng pagbuo ng orihinal na Gilas Pilipinas na hinawakan no Serbian coach Rajko Toroman. At alam ba ninyo na si Toroman ang coach ng koponan ng Indonesia na tumalo sa Pilipinas sa basketbol nitong nakaraang SEA Games? Maaaring palawakin ni Eala ang partisipasyon at suporta ng pribadong sektor hindi lamang sa basketbol, kundi pati na rin sa mga ibang disiplina sa isports na maaaring palakasin at paigtingin sa international competition.
Bukod sa kwalipikasyon at karanasan ni Eala sa isports, ang puso at loyalidad niya sa papasok na administrasyon ay hindi makukuwestiyon.. Isa siya na aktibong nangampanya sa Uniteam noong nakaraang eleksiyon. Kaya naniniwala ako na malaki ang tiwala ng administrasyon na ito sa kakayahan at puso ni Eala na maging matagumpay ang national sports development program sa ilalim ng Marcos administration.
Nakikita ko ang panunumbalik ng isang sports program na hawig ng Project Gintong Alay noong panahon ni dating Pangulong Ferdinand Marcos Sr. kung saan nagkaroon tayo ng mga sikat na international athletes tulad nina Lydia De Vega, Elma Muros, Isidro Del Prado sa Track and Field. Akiko Thompson, Christine Jacobs, Billy Wilson at Eric Buhain sa swimming. Ang mga boksingero tulad nina Serrantes at Fortaleza ay naging tanyag din noong mga panahon na iyon at marami pang mga atleta noong panahon ng Project Gintong Alay.
Nakakatuwa. Noong Nobyembre 2019, ang dating Majority Floor Leader at ang susunod ng Speaker ng House of Representatives na si Martin Romualdez, ay nanawagan na dapat ibalik ang Project Gintong Alay upang palakasin ang competitiveness ng ating mga atleta. Hinihikayat pa nga niya ang top 1,500 corporations na tumulong sa ating sports development.
Sa personalidad at talino ni Noli Eala, hindi ako magtataka na magagawa niya ito sa tulong at suporta ni incoming Speaker Romualdez. Kaya naman naniniwala ako na si Eala ang maaaring susi upang mapagbuklod ang tulong at suporta ng gobyerno at ng pribadong sektor upang maibalik muli ang sikat at niningning ng Philippine Sports tulad ng panahon ng Project Gintong Alay.
o0o
Nais kung gunitain ang kaarawan ng aking yumaong ina na si Amy C. Sison. Kung nabubuhay pa siya, dapat ay 90 years old siya ngayong araw. Maraming salamat sa lahat ng tulong ninyo sa akin, nanay.