NAKILALA ko siya personal mga taong 2011, ipinakilala siya ng isang kaibigan. Sa Metro Walk kami noon, walang agenda, relax-relax lang.
Hindi ko na nga maalala kung kongresista siya noon, dahil wala namang pinag-usapang politika. Maganda ang ambience at musika, talagang relax lang.
Ngayon marami ang nagtatanong kung sino ba si Marinduque Congressman Lord Allan Velasco, ang naghahangad na maging Speaker ng Kamara de Representante kapalit ni Speaker Alan Peter Cayetano. Si Lord ang pinagbibintangang pasimuno ng coup kamakailan para matanggal si Cayetano at pumalit siya. Labag ito sa term-sharing agreement na may basbas ni Pangulong Duterte kung saan katapusan pa ng Oktubre uupo si Lord bilang Speak-er.
Kumpara kay Cayetano na hindi lang naging dating congressman kundi naging senador at foreign affairs secretary rin, si Lord ay bata at medyo manipis pa ang track record. May future sa pamahalaan ngunit may panahon ‘yan ng pagkahinog. Kaya naman marami ang nagtaka kung bakit ba nag-aambisyon siyang maging Speaker, na siyang pinakaapat na mataas na puwesto sa bansa. Wala namang gaanong alam tungkol sa kanya, maliban sa mga lumalabas na mga balita tungkol sa mga magagarbong party na iniinsponsor niya.
Sa aming pagkakaalam, si Lord ay pumasok bilang miyembro ng staff ng kanyang ama, si Associate Justice Presbitero Velasco sa Supreme Court. Naging provincial administrator din si Lord sa Marinduque at naging chapter president ng Integrated Bar of the Philippines sa lalawigan.
Muntik nang hindi makaupo si Lord bilang congressman ng Marinduque noong 2013 nang matalo siya kay Regina Ongsiako-Reyes. Pero nakalusot si Lord dahil pinalabas niyang American citizen si Ongsiako-Reyes kaya na-disqualify. Kaya lang ay sa huling linggo na lang ng 16th Congress nakau-po si Lord.
Nang sumunod na Kongreso, naging chairman ng House energy committee si Lord, at gayundin ng Oversight Committee of Solid Waste Manage-ment Act at Co-Chairman of Joint Congressional Power Commission.
Mas makulay ang track record ng kanyang amang si Justice Velasco na ngayon ay gobernador na ng Marinduque. Nang siya ay justice sa Supreme Court, ‘di umano ay nakialam ito sa kampanya ni Lord sa pagka-congressman ng Marinduque, ayon na rin sa librong “Shadow of Doubt: Probing the Supreme Court” na sinulat ng veteran journalist na si Marites Dañguilan-Vitug. Nademanda si Vitug ng libel dahil dito. Naging tanyag tuloy si Justice Velasco bilang kauna-unahang nakaupong mahistrado ng Korte Suprema na nagdemanda ng libel laban sa isang mamamahayag.
Nang isinalang ang papel ni Justice Velasco para maging associate justice ng Korte Suprema, kabi-kabilang reklamo ang natanggap ng Judicial and Bar Council (JBC) laban sa kanya.
Pumirma rin umano siya sa isang kasunduan noong 1997 para pautangin ng Orient Bank sa halagang P20 million ang RJL Resources na ang kapital lang ay P250,000?
Namemeligro na ang lagay ng Orient Bank nang panahon na ‘yon pero napautang pa rin nito ang RJL nang si Velasco ang pumirma sa kasunduan dahil dating kliyente pala umano ni Velasco ang may-ari ng bangko na si Jose Go. Ang abogado ng RJL ay dating kasama ni Velasco sa kanyang law office.
Eto palang si Justice Velasco ay sumasali pa rin sa mga deliberasyon ng Korte Suprema kahit pa sangkot ang kaibigan niyang si Go.
Ito ang mga multong nasa likod ni Lord Allan. Mahirap talaga ang politiko. Noon, nagre-relax lang kami, ngayon talagang sa politika ay lalabas ang mga aninong karaniwan ay namumuhay lamang sa dilim.
Comments are closed.