(Sinuspinde ni PBBM) MAHUHULING E-TRIKE AT E-BIKE WALA MUNANG MULTA

Hindi na muna pagmumultahin ang mga mahuhuling gumagamit ng e-tricycles at e-bicycles sa mga pangunahing lansangan.

Sa kanyang post sa “X”, sinabi ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., na inatasan na niya ang Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) at mga lokal na pamahalaan na bigyan ng palugit ang e-trikes at e-bikes at iba pang mga sasakyan na sakop ng bagong polisiya ng Metro Manila Council (MMC).

Sinabi ng Pangulo na kailangan pang magbigay ng sapat na panahon para sa malawak na pagsisiwalat ng impormasyon hinggil sa ban na ipinatutupad nito.

Dagdag pa ng Punong Ehekutibo, kapag napara ng mga awtoridad ang mga nagmamaneho ng mga nabanggit na sasakyan, ituturo lamang sa kanila ang mga kalsada kung saan sila maaring budumaan.

Sa ilalim ng regulasyon ng MMDA, ang mga e-vehicle tulad ng e-bikes at e-trikes ay ipinagbabawal na dumaan sa mga national at circumferential road sa Metro Manila kasama ang mga tricycle, pedicab, pushcarts, at ang tinatawag na kuliglig para isulong ang kaligtasan sa kalsada.

May multa itong P2,500, ayon sa MMDA.

Sa isang maikling video message, binigyang-diin ni Pangulong Marcos na naiintindihan niya ang damdamin ng mga driver at motoristang apektado ng pagpapatupad ng regulasyon ng MMDA. Masyado raw mabigat ang P2,500 na multa.

“Dahil nakita ko naman na ‘yung pag enforce na napaka-strikto dun sa mga electric vehicles sa national road ay napapanood ko sila sa news, nakakaawa naman talaga at dapat bigyan naman natin sila ng pagkakataon para alam nila kung ano ba ‘yung bagong rules, papaano sila mag adjust,” pahayag ni Marcos.

“At saka PhP2,500 ang laking multa niyan, napakabigat niyan para sa kanila, so, bigyan natin sila ng isang buwan para alam nila kung ano ba ‘yung dapat nilang gawin,” dagdag ng Chief Executive.