INIAPELA ng mga opisyal ng National Food Authority (NFA) na nahaharap sa mga reklamo kaugnay sa umano’y unauthorized sale ng rice buffer stocks ng NFA sa mga trader ang kanilang suspensiyon sa Ombudsman.
Mahigit sa 130 opisyal ng NFA ang kinasuhan ng grave misconduct, gross neglect of duty, at committing conduct prejudicial to the best interest of the service.
Sinabi ni NFA administrator Roderico Bioco, isa sa mga sinuspinde, sa imbestigasyon ng Kongreso, na ang pagbebenta ng NFA rice sa dalawang private entities ay isinagawa ”above board.”
“This is a regular function of disposing. It is exempted from public bidding, your honor, because of a COA (Commission on Audit) circular,” sabi ni Bioco.
“We have orders from the regional offices to dispose of the aging stocks. They make the recommendations, qualifications, and requirements for those interested in buying. We followed guidelines,” dagdag pa niya.
Isang araw makaraan ang congressional inquiry ay sinabi ni Ombudsman Samuel Martires na ilang opisyal at empleyado ng NFA na pinatawan ng preventive suspension kaugnay sa umano’y paluging pagbebenta ng bigas sa mga trader ay nagbakasyon na sa kanilang mga trabaho.
Sinabi pa ni Martires na ang imbestigasyon ng Office of the Ombudsman sa NFA rice sale ay motu proprio.