Marami sa atin ang mahilig magluto at kumain. Lalo na ngayong panahon ng mga suspendidong klase at trabaho, nagkakaroon tayo ng oras para ipagluto ang ating mga mahal sa buhay.
Kung paglilistahin ang mga Pinoy ng kanilang paboritong pagkain, tiyak na mahabang listahan ang magagawa at hindi pa iyon ang lahat dahil natural na yata sa ating lahi ang kumain ng masasarap.
Pagkain na lang din ang usapan, kaliwa’t kanan sa social media ngayon ang recipe ng mga pagkaing mura, masarap, at madaling lutuin na kahit na nasa bahay lang ay magagawa ng kahit na sino. Hindi na nga naman praktikal ang pagkaing sa labas dahil mas mapapamahal tayo. Kaya maraming nanay ang nag-iisip ng iba’t ibang putaheng puwedeng ihanda sa buong pamilya lalo na ngayong malamig ang panahon.
At isa nga sa mga lumalabas sa news feed natin sa facebook ay ang recipe ng Sisig Tofu. Sino ba naman ang hindi matatakam sa pagkaing ito? Patok sa panlasang Pinoy ang sisig dahil sa malutong at maanghang na hatid nito sa bibig. Masarap itong papakin at napakasarap din nitong iulam sa mainit-init na kanin.
Paniguradong gaganahan ka at mapapa-extra rice sa sarap ng Sisig Tofu. Samahan mo pa ng asim at alat na hatid ng toyo at kalamansi, mapapakain ka talaga nang bongga.
Likas na sa ating mga Filipino ang mag-eksperimento ng mga katakam-takam na lutuin, hindi rin nakaligtas sa atin ang tofu at nagkaroon ng Sisig Tofu.
Ang tofu ay gawa sa soybeans at madalas na ipanghalili sa karne sa mga bansa sa Asya. Ngayon nga ay kalat na ito sa Facebook at sinusubukan nang gawin ng ating mga kababayan.
SISIG TOFU RECIPE
Kung may oras at gusto mong subukan ang kakaibang sisig na ito, narito ang mga kailangang ihanda at gawin para makagawa ng Sisig Tofu.
Una, ihanda ang mga sangkap na kakailanganin sa pagluluto. Isang bloke ng Tofu, mantika, isang sibuyas na puti, dalawang siling berde, mayonnaise, at isang pakete ng oyster sauce.
Sunod na hiwain ang tofu sa parisukat na hugis at iprito sa mainit na mantika. Pagtapos prituhin ay hiwain sa maliliit depende sa inyong nais at itabi muna.
Bawasan ang ginamit na mantikang pinagprituhan at igisa doon ang sibuyas na puti na hiniwa ng maliliit. Isunod ang sili. Saka ilagay ang luto na at nahiwang tofu. Isama na rin ang oyster sauce at haluing mabuti.
Pagkatapos ay patayin ang apoy saka ilagay ang mayonnaise. Kapag nahalo nang mabuti ay ayan na, mayroon ka nang masarap na Sisig Tofu!
Maaari rin namang dagdagan ng iba pang toppings gaya ng itlog, depende sa inyong gusto.
Ganoon lang kadali at kabilis ay mae-enjoy na ng inyong pamilya ang masarap na Sisig Tofu.
NEGOSYO-IDEYA
Dahil bago sa paningin at panlasa na sa tingin mo naman ay magugustuhan ng iyong mga kapitbahay, bakit hindi subukang magtinda ng Sisig Tofu sa inyong barangay? Madali lang gawin at maaari pang pagkakitaan. Malay mo, ito na ang hinihintay mong sagot sa inyong pangkabuhayan! (photos mula sa recipetv.ph, atbp.ph, dishocean.com at nutritionfacts.org) LYKA NAVARROSA
Comments are closed.