(Sisiguro sa mas pinalawak na serbisyong medikal)DAGDAG NA PONDO SA DOH

TINIYAK ni Senador Sonny Angara, chairman ng Senate committee on finance, na napaglaanan ng kaukulang pondo ang Department of Health.

Ayon sa senador, sinisiguro ang mataas na budget para sa DOH upang mapalakas ang operasyon ng DOH-run specialty hospitals.

Sa ilalim ng 2023 national budget, tatanggap ng tig-P7 bilyon ang specialty hospitals tulad ng Lung Center of the Philippine, National Kideny and Transplant Institute at ang Philippine Institute of Traditional Alternative Health Care.

Sa nasabing halaga, lumalabas na tumaas ng mahigit P1 bilyon mula sa dating P5.8 bilyon noong 2022 ang pondong natanggap ng naturang mga specialty hospitals.

“Taon-taon ay nagbibigay tayo ng dagdag na pondoo sa ating specialty hospitals. Marami sa ating mga kababayan na may malulubhang karamdaman ay hindi makapagpagamot dahil sa kahirapan. Sila ang pangunahing nakikinabang sa serbisyong hatid ng mga pagamutang ito kaya sinisiguro natin na may dagdag na pondo para sa kanila kada taon,” ani Angara.

Sa nasabing pondo, pinaglaanan ng P835.2 milyon ang Lung Center of the Philippines, o mas mataas mula sa P683.9 milyon na natanggap nito noong 2022.

Ang NKTI naman ay may P1.7 bilyong alokasyon ngayong taon, mula sa P1.6 bilyong pondo nito sa ilalim ng 2022 budget.

Kabuuang P2.1 bilyon naman ang inilaang pondo sa Philippine Children’s Medical Center sa ilalim ng 2023 national budget mula sa 2022 budget nito na P1.5 bilyon.

Itinaas naman sa P2.1 bilyon ang inilaang pondo pra sa Philippine Heart Center, mula sa dating P1.8 bilyong pondo nito noong nakaraang taon.

Umaabot naman sa P156.2 milyon ang alokasyon para sa Philippine Institute of Traditional Alternative Health Care sa ilalim ng 2023 national budget.

At upang matiyak na may pondo para sa gamutan ng mga pasyenteng sakop ng Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth), halagang P100.2 bilyong subsidiya ang inilaan ng gobyerno rito para sa implementasyon ng Universal Health Care law.

Maliban sa taunang pagtaas sa budget ng mga ospital, pinagsisikapan din ni Angara na mailapit sa tao ang specialized services sa pamamagitan ng pagtatatag ng satellite specialty hospitals sa iba’t ibang panig ng bansa.

“Dahil kadalasan ay hindi matugunan ng mga pagamutan sa mga probinsya ang pangangailangan ng ating mga kababayan doon, o kaya naman ay hindi nila kayang gastusan, lumuluwas na lamang sila pa-Maynila para makapagpagamot sa specialty hospitals. Ito ang pagsisikapan nating mailapit sa tao sa pamamagitan ng pagtatatag ng satellite specialty hospitals,” sabi ni Angara.

Nabatid na sa pagsisimula ng 19th Congress, agad na isinulong ni Angara ang Senate Bill 93 na naglalayong magtatag ng satellite specialty hospitals sa mga lalawigan, partikular sa mga lugar na malayung-malayo sa tertiary care hospitals sa kani-kanilang rehiyon.

Ayon sa nasabing panukala, inaatasan ang specialty hospitals na maglagay ng kani-kanilang satellite hospitals sa mga partikular na rehiyon na kanila ring pangangasiwaan.

Matatandaan na sa kauna-unahang SONA ni Pangulong Ferdinand Marcos, Jr., ipinahayag nito ang kanyang buong suporta sa pagtatatag ng satellite specialty hospitals sa malalayong lugar.

VICKY CERVALES