HETO na naman tayo. Imbes na maghanap ng patuloy na solusyon sa mga sakuna at delubyo na nararanasan ng ating bansa, puro batikos at sisihan na naman ang nangyayari kung bakit malala ang baha dulot ng bagyong Carina.
Una sa lahat, ang ulan na ibinagsak ng bagyong Carina ay mas marami sa ibinuhos ng Ondoy. 471 mm sa loob ng 24 oras kay Ondoy laban sa 455 mm sa isang araw at may dagdag pa na 355mm sa loob ng 12 oras. Kaya talaga namang mas matindi ang ibinuhos na ulan ni ‘Carina’.
Pero kung ating ikukumpara sa mga nasawi at perwisyo ng ‘Ondoy’ laban sa ‘Carina’, 665 katao ang namatay at umabot ng $1.15 bilyon o higit P65 bilyon ang halaga ng nasirang ari-arian nito. Samantalang sa ngayon, 34 katao pa lamang ang nabibilang na namatay dulot ng bagyong Carina, ayon sa NDRRMC at P59.9 milyon ang halaga na nasirang ari-arian nito.
Kaya ako ay napapailing kung bakit sinisisi ang MMDA, DPWH at ang ating pamahalaan sa nasabing matinding baha na nangyari noong nakaraang linggo. May mga alegasyon pa na hindi daw nagamit nang mabuti ang pondo na inilaan para sa flood control program para sa Metro Manila.
Ang bansang Taiwan ay sinalanta rin ng bagyong Carina at nagdulot pa rin ng matinding baha sa kanilang bansa. Ito lamang ang patunay na kapag may matinding bagyo na ganitong kadami ang ulan na ibabagsak, hindi mapipigilan ang pagbaha.
Kung ang Estados Unidos, mga bansa sa Europa at pati Dubai ay nakaranas ng matinding bagyo at binabaha pa rin nang malala, tayo pa kaya?
Malinaw na mula nang tayo ay tinamaan ng ‘Ondoy’ noong 2009, ang mga sumunod na administrasyon mula sa panahon ni Arroyo, PNoy, Duterte at sa kasalukuyang pamahalaan ni Marcos ay patuloy na gumagawa ng paraan upang masolusyunan ang problema ng matinding baha.
Malinaw ang resulta. 655 ang namatay noong ‘Ondoy’, 34 katao ang nasawi kay ‘Carina’. Mahigit P65 bilyon ang danyos dulot ng ‘Ondoy’, P 59.9 milyon kay ‘Carina’. Hindi pa ba malinaw ang malaking diperensiya sa pinsalang idinulot ng dalawang bagyo?
Kaya ako ay napapailing sa mga ilan na malakas magparatang na ibinubulsa umano ang pondo ng flood control project samanatalng dapat ay magpasalamat tayo at hindi naulit ang mga namatay at pinsala na idinulot ng bagyong Ondoy.
Tila may ginagawa ang mga dating pamahalaan at ang kasalukuyang administrasyon upang mabawasan ang perwisyo, pagkamatay at pagkasira ng mga ari-arian ng ating mamamayan.
Ngayon ay sasakyan na naman ng mga pulitiko natin ang nangyaring sakuna sa ating bayan. May magmamarunong sa nangyaring bagyo. Aysus. Tigil-tigilan n’yo na nga kami. Malapit na ang eleksiyon. May nagbibida-bidahan na naman diyan. Tsk, tsk, tsk.