(Sisilipin ng Kamara) 20% DISCOUNT SA ATLETA

kamara

MAGSASAGAWA ang Mababang Kapulungan ng Kongreso sa susunod na taon ng imbestigas­yon kaugnay sa pagpapatupad ng diskuwento ng mga establisimiyento  para sa mga atleta ng bansa.

Ito ay kasunod ng tweet ng wushu star at 30th Southeast Asian Games gold medalist na si Agatha Wong kaugnay sa hindi pagsunod ng mga establisimiyento  sa implementasyon ng RA 10699 o ang National Athletes and Coaches Benefits and Incentives Act kung saan tulad ng senior citizens at PWDs ay awtomatikong may 20% discount ang mga nanalo sa international competitions sa mga establisimiyento.

Ayon kay House Speaker Alan Peter Ca­yetano, ikinalungkot niya ang insidente na marami sa restaurants, hotels, theaters, movie houses at iba pang establishments ang hindi nalalaman ang pagbibigay ng 20% discount sa mga nanalong atleta ng bansa.

Pinag-aaralan na ang pagsasagawa ng oversight committee hearing dito kung saan ipatatawag ang Philippine Sports Commission (PSC), Bureau of Internal Revenue (BIR), Department of Trade and Industry (DTI) at LGUs at iba pang kaukulang ahensiya para malaman kung saan nagkulang at bakit marami ang hindi nakaa­alam sa nasabing benepisyo.

Paliwanag ni Ca­yetano, kapag kumukuha ng permits ang isang establisimiyento ay dapat naipaaalam na agad ang mga sektor na dapat ma­bigyan ng diskuwento.

May mga iniisyu ring ID ang PSC para sa mga nanalong atleta na patunay para sa pagkuha nila ng discount sa mga serbisyo. CONDE BATAC

Comments are closed.