(Sisimulan ng DA sa Agosto 30) ROLLOUT NG ASF VACCINE SA BATANGAS

INANUNSIYO ng Department of Agriculture (DA) nitong Martes ang pagsisimula ng government-controlled vaccine rollout laban sa African swine fever (ASF) sa Batangas sa Agosto 30.

“We’re going to implement the vaccination this Friday in Lobo para masimulan na iyong treatment na mangyayari dito sa dumadami ng kaso ng ASF. Expected natin yan dahil sa ulan,” wika ni DA Assistant Secretary for Swine and Poultry Constante Palabrica sa isang phone interview.

Sa hiwalay na panayam, sinabi ni DA Assistant Secretary Arnel de Mesa na target nila ang pamamahagi ng hindi bababa sa 2,000 doses ng AVAC live vaccines sa Lobo.

“So, August 30 we’ll start in Batangas and then eventually sa Quezon. Pag okay ito, then we’ll move around in other areas. Perhaps, siguro mga 2,000, ganun unahin natin,” aniya.

Inanunsiyo nina Palabrica at De Mesa ang vaccine rollout kasunod ng pahayag ng Bureau of Animal Industry (BAI) na tumaas ng 1,808 percent ang red zones o mga barangay na may aktibong kaso ng ASF magmula noong Mayo 17.
Hanggang August 21, iniulat ng BAI na 458 barangays sa 15 rehiyon ang nasa ilalim ng red zones, na mas mataas sa 24 barangays sa first half ng May.

Ang pinakamalaking bilang ng mga apektadong barangay ay sa North Cotabato na may 87, Occidental Mindoro na may 69, Batangas na may 66, at Quezon na may 47.

Iniulat din ng BAI ang mga bagong kaso ng ASF sa Northern Luzon, kabilang ang walo sa mga barangay sa Angandanan, Santiago City, at San Guillermo sa Isabela; apat na barangay sa Enrile, Cagayan; isa sa Dupax del Norte sa Nueva Vizcaya; at isa rin sa Mexico, Pampanga.

“Titingnan natin, June 7, 32 lang yung barangays na may active cases. So, unti-unti tumaas iyan. July, naging 150, and then early August, naging 251,” ani De Mesa.

Sa kabila nito, tiniyal ng agriculture officials na nananatiling kontrolado ang ASF situation sa bansa dahil sa mahigpit na biosecurity protocols ng pamahalaan, ASF vaccination plans, at patuloy na testing, repopulation, at indemnification programs. ULAT MULA SA PNA