SISTEMA NG HEALTHCARE SA BANSA KAILANGANG AYUSIN

JOE_S_TAKE

AYON sa World Health Organization (WHO), ang sistema ng healthcare sa isang bansa ay maituturing na epektibo kung ito ay nakapagbibigay ng kalidad na serbisyo sa mga indibiduwal anuman ang estado nito sa buhay, may kakayahan man magbayad o wala. Malinaw na ang pangunahing pamantayang ito ay hindi pa natutugunan ng Filipinas.

Mismong WHO ang nagsabi na ang sistema ng healthcare sa bansa ay kailangan pang pag-ibayuhin. Hindi naman lingid sa kaalaman ng lahat na hindi lahat ay may access sa magandang kalidad ng serbisyong pangkalusugan. Dito sa Filipinas, ang mga mayayaman at mga iba pang indibiduwal na may pambayad ay nakakakuha ng maayos na serbisyo sa mga pribadong ospital sa bansa, habang ang mga mahihirap o ang mga salat sa buhay ay nagtitiyaga lamang sa mga health center, maliliit na ospital sa kanilang lugar, o pampublikong ospital kung saan mas mura ang serbisyo. Maging sa kasalukuyan ay malaki pa rin ang pagkakaiba ng kalidad ng serbisyo ng mga pampribadong ospital at pampublikong ospital.

Ayon sa WHO, ang kalusugan ay isa sa mga pangunahing karapatang pantao. Ito ay nangangahulugan na dapat ay gawing prayoridad ng anumang bansa ang kalusugan ng mga mamamayan nito. Mapa-mayaman o mahirap ay dapat mayroong access sa maayos na serbisyong pangkalusugan na kailangan nito. Hindi dapat hayaang mamatay ang isang indibiduwal  mula sa sakit dahil lamang sa kadahilanang wala siyang perang pampagamot.

Mahaba na ang kampanya ng iba’t ibang administrasyon na nagdaan ukol sa kalusugan. Marami namang ginagawang hakbang at mga programa ang bansa upang matugunan ang suliraning ito, ngunit tila kailangan pang mas pag-ibayuhin ang mga ito. Kailangang paglaanan ng mas malaking badyet upang mas mapaganda ang mga programa, benepisyo, at ang buong sistema. Kailangang matukoy ang pinakaugat ng mga suliraning ito.

Ayon sa National Economic and Development Authority (NEDA), noong 2017, tinatayang nasa 54.5% ng kabuuang ba-yad na nakalaan para sa kalusugan ay mula sa sariling bulsa ng mga Filipino. Malaking bahagi ng nasabing porsiyento ay bayad sa mga gamot. Ang kakulangan sa coverage ng Philhealth para sa mga gamot ng mga outpatient ang natukoy na pangunahing dahilan ng nasabing datos.

Bilang tugon ay inilunsad ng NEDA ang Philippine Development Plan (PDP) 2017-2022. Ito ay naglalayon na makapaglatag ng mas matatag na pundasyon para sa pangkalahatang pag-unlad ng bansa, at gawing mas matatag ang ekonomiya upang makasabay ito sa ibang bansa. Layunin din ng nasabing programa ang mapababa ang antas ng kahirapan mula sa 21.6% noong 2015 patungo sa 14% pagdating ng taong 2022.

Ang pagsasabatas ng Republic Act  11223 o ang Universal Healthcare Law noong Pebrero 2019 ay maituturing na isang malaking tulong sa pagiging matagumpay ng programang PDP 2017-2022. Sa ilalim ng nasabing batas ay awtomatikong naipasok ang lahat ng Filipino sa National Health Insurance Program ng Philhealth (NHIP). Layunin ng nasabing programa na masiguro na ang bawat Filipino ay makakakuha ng serbisyong medikal at pangkalusugan nang hindi pinoproblema ang gastos. Kailangan pang mas paigtingin ang pagpapatupad ng nasabing batas. Dapat ding linisin ang lahat ng kontrobersiyang kinasangkutan ng Philhealth upang maibalik ang tiwala ng publiko sa nasabing organisasyon.

Isa pa sa mga pangunahing problema ng bansa ay ang kakulangan sa mga doctor at nars. Hindi sumasabay sa pagdami ng populasyon ng bansa ang pagdami ng mga doktor at nars. Bukod pa rito ay marami ang mas pinipiling magtrabaho sa ibang bansa para sa mas malaking kita. Kailangang matugunan ng pamahalaan ang suliranin sa ‘brain drain’. Karamihan din kasi sa mga doktor at nars na nasa bansa ay mas pinipiling magtrabaho sa mga pampribadong ospital na nasa mga siyudad. Bunsod nito, nagkakaroon ng malaking kakulangan ng doktor at nars sa mga probinsya lalo na sa mga lugar na liblib at malalayo.

Ang nabanggit na suliranin ay kabilang dapat sa mga nais tugunan ng UHC Law. Sa ilalim kasi ng nasabing batas ay ang pagsiguro na mayroong permanenteng trabaho at maayos na suweldo  ang mga healthcare professional sa bansa. Kasama rin sa layunin nito ang siguraduhin ang pagkakaroon ng sapat na bilang ng mga doktor, nars, at midwife sa mga lokal na pamahalaan, lalo na sa mga lugar na natukoy bilang Geographically Isolated and Disadvantaged Areas (GIDAs).

Mahusay naman ang layunin ng UHC Law ngunit tila kailangan pa rin talagang pag-ibayuhin ang pagpapatupad nito. Ang pananatili ng mga nabanggit na suliranin sa kasalukuyan, sa kabila ng pagkakaroon ng nasabing batas, ay nangangahulugan na kinakailangan pang mas tutukan ito lalo na ngayong panahon ng pandemya. Mas mahal ang kailangan bayaran ng mga nagkakasakit. Mas marami ang nangangailangan ng serbisyong medikal. Kailangang masiguro na ang bawat Filipino ay makakakuha ng maayos na serbisyong medikal kahit na ito ay salat sa pambayad dahil lahat tayo ay may karapatan dito anuman ang estado sa buhay.

Kung mayroon tayong napagtanto ngayong panahon ng pandemya, ito ay ang katotohanang marami pang kailangang ayusin sa sistema ng healthcare sa bansa. Nawa’y tutukan ng pamahalaan ang kabuuan nito at hindi lamang ang COVID-19. Kailangan nating lahat ng mas maayos at mas maaasahang sistema sa bansa, hindi lamang sa healthcare. Ito ang karapat-dapat para sa ating lahat.

Comments are closed.