KAMAKAILAN, naglabas ng survey ang Pulse Asia, gayundin ang Social Weather Station na nagsasabing mayorya ng mga Pinoy ay umaasa at naniniwalang gaganda ang kanilang pamumuhay sa pagpasok ng bagong taon.
Ang nakalulungkot, unang sigwa pa lang ng 2023, sinalubong na tayo ng iba’t ibang pagsubok.
Dalawang pangyayari ang sumubok na naman sa ating pagtitiwala – ang malalaking pagbaha at mga pagguho ng lupa dala ng tuloy-tuloy na malalakas na ulan. Nagsimula iyan mismo noong Kapaskuhan kung saan iniulat ng NDRRMC na umaabot sa 680,000 katao mula sa may 161 cities and municipalities sa tinatayang 35 lalawigan ang lubhang naapektuhan.
Sa nasabi pa ring ulat, may 52 katao ang namatay, 16 ang sugatan at 18 katao ang hanggang ngayon ay nawawala. Libo-libong kabahayan ang nasira at tinatayang aabot sa P247 milyon ang nasalanta sa agrikultura.
Ang isa pang sablay na sumalubong sa atin sa pagpasok ng 2023 ay ang NAIA glitch o ang pagkasira ng CNS/ATM o ang Communications, Navigation, and Surveillance/ Air Traffic Management system ng pambansang paliparan.
Ayon sa mga kinauukulan, pagkawala ng koryente ang pangunahing dahilan upang dumanas ng napakalaking aberya ang mahigit 60,000 pasahero o pagka-delay ng mahigit 300 flights.
Hindi naman masasabing nagpabaya ang mga ahensiyang may direktang koneksiyon sa dalawang magkahiwalay na pangyayari. Nagpaabot naman ng tulong ang bawat pinuno ng mga pamahalaang lokal sa kani-kanilang mga nasasakupan na sinalanta ng kalamidad. Sa kabilang dako, nagpadala rin ng emergency response teams ang DOTr at ang Department of Migrant Workers upang asistehan ang stranded at affected passengers sa mga paliparang inabot ng aberya.
Nagpapasalamat tayo sa mga ginawang tulong ng mga ahensiya sa mga naapektuhan ng power outage sa paliparan, pero sana naman, ito na ang huling pagkakataon na makararanas ng ganitong aberya ang ating mga kababayan. Hindi sana lumala ang sitwasyon sa airports kung laging nakaalerto at handa ang mga kinauukulan. Naagapan sana kung may maayos na sistema.
Ganyan ang tinutukoy natin sa mga panukalang batas na isinulong natin noong 18th Congress na may kinalaman sa aviation.
Base na rin sa rekomendasyon ng Safe Travel Alliance, na sinegundahan naman ng Civil Aviation Authority of the Philippines (CAAP), isinulong natin ang isang panukalang nagpapalakas sa CAAP. At sa pagpasok ng kasalukuyang Kongreso (19th Congress), muli nating isinulong ang panukalang ito — ang Senate Bill 1003.
Ang ilan sa mahahalagang puntos ng ating panukala ay ang pag-update sa kabuuan ng CAAP Board. Dapat kabilang sa Board ang mga kinatawan mula sa pribadong sektor; pagpapatupad ng 8-year fixed term ng CAAP Director General upang mas maging malawak ang kaalaman at karanasang teknolohikal nito na kanya namang ipapasa sa susunod na CAAP DG; mas mapalakas pa ang fiscal autonomy nito at ang kanilang exemption sa GCG Law at sa Salary Standardization Law.
Isa rin sa dapat maisabatas ay ang paglikha sa Department of Disaster Resilience upang magkaroon ng kaukulang ahensiya na talagang tututok sa mga kalamidad tulad ng bagyo. Sa pamamagitan nito, mas masisiguro ang kaligtasan ng mamamayan at ng mga lugar na apektado.
Sa mga pagkakataong higit na nangangailangan ng tulong at atensiyon ang ating mga kababayan, dapat ay lagi tayong handang tumulong at hindi ‘yung “teka-teka” pa tayo. Kailangang maging maagap ang gobyerno sa mga sitwasyong tulad nito at siguruhing hindi na ito mauulit sa mga darating na panahon.