SITG 990 TERMINATED NA

PINATIGIL na ang ginagawang pagbusisi ng binuong Special Investigation Task Group (SITG) 990 sa kaso ng nasamsam na 990 kilos ng shabu na kinasasangkutan ng mataas na opisyal ng Philippine National Police (PNP) .

Ito ang kinumpirma ni Philippine National Police (PNP) Chief Gen. Benjamin Acorda Jr., kasunod na rin ng pagretiro sa serbisyo ng hepe ng SITG 990 na si Major General Eliseo Cruz.

Inihayag ni Acorda na sa halip na task force ng PNP, magkasama nang magsasagawa ng pagsisiyasat ang PNP at National Police Commission (NAPOLCOM) kaugnay sa pinagmulan ng 990 kilos ng shabu at kung sino pang opisyal ang posibleng sangkot.

Magugunitang may 50 PNP officers ang sinampahan ng kaso kaugnay sa halos isang toneladang shabu na nakuha sa isang lending company na binabantayan ng isang police officer.

Nabatid na nagpapatuloy pa rin ang pangangalap ng impormasyon sa pinakamalaking shabu haul sa kasaysayan ng bansa.

Sa kasalukuyan, may 69 kaso na ang naisampa sa mga personalidad na idinadawit sa P6.7 bilyong shabu raid sa Maynila partikular sa lending shop na pagmamay ari ng sinibak na si Master Sgt. Rodolfo Mayo.

Matatandaan, sa isinagawang senate at congressional inquiries ay lumilitaw ang kapuna-punang tila buhol-buhol na kuwento ng mga opisyal ng PNP na may kinalaman sa pagkakasabat sa may 990 kilo ng shabu noong nakaraang taon.

Una nang sinabi ni Interior Secretary Benjamin Abalos, Jr. na naniniwala siyang marami pang kasabwat na opisyal .

Nasibak sa serbisyo si Mayo dahil sa pagkakasangkot sa nasabing malaking halaga ng iligal na droga subalit hindi ito mapaamin kung sino ang kanyang mga kasabwat at saan nagmula ang 990 kilo ng shabu na nakuha ng mga awtoridad.
VERLIN RUIZ