AGAD na inatasan ni Philippine National Police (PNP) Chief Gen. Benjamin Acorda Jr., ang National Capital Region Police Office (NCRPO) at Quezon City Police District (QCPD) na tutukan ang ang nangyaring pamamaril sa photographer ng Remate kamakalawa.
Inihayag ni BGen. Red Maranan PNP Public Information Office Chief na siya ring focal person ng Presidential Task Force on Media Security, agad din itinatag ng mga awtoridad ang Special Investigation Task Group (SITG) Abiad upang magsagawa ng malalimang imbestigasyon sa pamamaril sa photojournalist na ikinasugat ng kanyang tatlong pamangkin na nasa kritikal na kondisyon at isang bystander .
Layunin ng SITG na busisiin ang lahat ng mga ebidensya at testimonya ng mga saksi, mga kaanak at katrabaho nito upang matukoy ang motibo sa likod ng pananambang.
Sinasabing si Abiad ay madalas na tumatayong testigo sa mga anti drug operation ng mga awtoridad at tumatayong witness sa mga ginagawang imbentaryo sa mga drogang nasamsam sa drug operation.
Tiniyak din ng PNP na makakamit ng mga biktima ang hustisya at papanagutin ang mastermind o mga sangkot sa krimen.
Sa ulat ng Masambong Police Station (PS 2), pasado alas-3 ng hapon nang maganap ang pamamaril sa Corumi St., kanto ng Gazan St., Brgy. Masambong, Quezon City.
Pauwi na ang pamilya Abiad sakay ng isang Ford Everest galing sa isang hotel sa Pasay City nang bigla na lang silang harangin ng mga suspek na lulan ng silver na Toyota Vios.
Agad na bumaba ang mga sakay ng kotse at pinaulanan ng bala ang sasakyan na ikinasugat ng mga biktimang sina Rene Joshua Abiad; kapatid nitong si Renato Abiad Jr., 41-anyos at dalawang pamangkin na nagkaka-edad lamang ng 4 at 8.
Hindi naman nasugatan ang iba pang sakay ng SUV na sina Cheryl Abiad, 42-anyos; Elizabeth Abiad, 37-anyos at 6-anyos na bata.
Nadamay naman at nasugatan rin sa insidente ang bystander na si Jeffrey Ngo Cao, 47-anyos, residente ng Brgy. Apolonio Samson, Quezon City, matapos na tamaan ng ligaw na bala.
Pagkatapos ay tumakas patungong Del Monte Avenue QC ang tatlong suspek na kung saan naispatan din sa CCTV footage na mayroong back up na motorsiklo ang mga ito.
VERLIN RUIZ/ EVELYN GARCIA