NAGBUHOS sina Joel Embiid at Tyrese Maxey ng 31 points at kumarera ang Philadelphia 76ers sa ika-8 sunod na panalo makaraang pataubin ang kulang sa taong Indiana Pacers, 141-121, nitong Sabado sa Indianapolis.
Nag-ambag si Embiid ng 7 rebounds at 7 assists, tumipa si Tobias Harris ng 24 points at kumubra si De’Anthony Melton ng 14 points at 6 steals para sa Philadelphia, na nakumpleto ang four-game season series sweep sa Pacers.
Nanguna si Aaron Nesmith para sa Indiana na may career-high 25 points. Tumabo si Andrew Nembhard ng 22 points, nagdagdag si Myles Turner ng 20 at umiskor sina Buddy Hield, Jordan Nwora at Jalen Smith ng tig-13 para sa Pacers, na natalo sa kabila ng pagbuslo ng 51.7 percent mula sa field.
Jazz 118, Celtics 117
Kumana si Lauri Markkanen ng 28 points at 10 rebounds upang tulungan ang Utah na mamayani kontra Boston sa Salt Lake City.
Nanguna si Jaylen Brown para sa Boston na may 25 points at umiskor si Grant Williams ng 23, subalit nasupalpal ni rookie Walker Kessler ang kanyang last-second game-winning attempt malapit sa rim. Tumapos si Kessler na may 12 points, 14 rebounds at 3 blocks.
Umabante ang Boston ng hanggang 19 points at angat ng anim, may 2:31ang nalalabi matapos ang 3-pointer ni Williams, na naipasok ang 7 sa 12shots mula sa 3-point area. Subalit nakahabol ang Jazz, sumalang sa kanilang unang laro magmula noong Lunes.
Sa kabila ng pagkatalo, nakakuha pa rin ang Celtics ng playoff spot kasunod ng pagkatalo ng Miami Heat.
Kings 132, Wizards 118
Nakakolekta si Domantas Sabonis ng 30 points, 10 assists at 9 rebounds upang pangunahan ang streaking Sacramento sa panalo kontra host Washington.
Naipasok ni Sabonis ang 10 sa 12shots mula sa floor at free-throw line upang ihatid ang Kings sa kanilang ika-11 panalo sa huling 13 laro overall at ika-13 sa nakalipas na 17 sa road. Umiskor si Terence Davis ng 21 points, kumabig si Keegan Murray ng 19 at nagdagdag si Malik Monk ng 17 para sa Kings, na bumuslo ng 55.8 percent mula sa floor (48 of 86) at 59.5 percent mula sa 3-point range (22 of 37).
Tumapos si Wizards forward Kyle Kuzma na may 33 points. Nagpasabog siya ng 32 points, 9 rebounds at 5 assists sa naunang pakikipagtuos sa Kings. Nagdagdag si Bradley Beal ng 20 points para sa Washington.
Sa iba pang laro, ginapi ng Knicks ang Nuggets, 116- 110; pinadapa ng Magic ang Clippers, 113-108; pinalamig ng Bulls ang Heat; 113, Heat 99; at namayani ang Grizzlies sa Warriors, 133-119.