NAGBUHOS si James Harden ng 38 points at pinangunahan ang dramatic late comeback ng Philadelphia 76ers upang putulin ang 16-game winning streak ng Milwaukee Bucks sa pamamagitan ng 133-130 panalo noong Sabado.
Ang titanic battle sa pagitan ng Eastern Conference leading Bucks at ng third-placed Sixers ay tinampukan ng paghahol ng Philadelphia mula sa 18-point third-quarter deficit upang maitakas ang panalo.
Bagama’t tumapos si Sixers’ Joel Embiid na may 31 points at nagdagdag si Tyrese Maxey ng 26, si Harden ang hindi maikakailang driving force ng makapigil-hiningang late rally na naghatid sa Philadelphia sa panalo.
Naitala ng 10-time NBA All-Star ang 21 sa kanyang 38 points sa fourth quarter at na-outscore ng Philadelphia ang Milwaukee, 48-31, sa final frame.
Nagbigay rin si Harden ng 10 assists at kumalawit ng 9 rebounds sa isang mahusay na all-round performance.
“He was fantastic, big shot after big shot, he led the comeback — he was just James Harden,” pahayag ni Embiid patungkol sa kanyang teammate.
Nanguna si Giannis Antetokounmpo para sa Milwaukee na may 34 points at 13 rebounds, nagposte sina Brook Lopez at Jrue Holiday ng tig-26 points at tumipa si Grayson Allen ng 20.
Nanatili ang Milwaukee sa unahan ng East na may 45-18 record, kalahating laro ang angat sa Boston.
Umangat ang Philadelphia sa 41-22.
Heat 117, Hawks 109
Pinalakas ng Miami ang kanilang playoff hopes sa panalo kontra Atlanta Hawks.
Pinangunahan ni Bam Adebayo ang Miami scorers na may 30 points mula sa 10-of-12 shooting habang nagdagdag si Tyler Herro ng 20 points.
Nag-ambag sina Jimmy Butler at Caleb Martin ng tig-15 points para sa Miami na umangat sa 34-31 at nanatili sa seventh place.
Samantala, sa Cleveland, kumarera ang Cavaliers sa 114-90 panalo laban sa Detroit Pistons, sa pangunguna ni Donovan Mitchell na kumamada ng 20 points. Limang Cleveland players ang tumapos sa double digits.
Naitakas naman ng Toronto Raptors ang 116-109 panalo sa road kontra Washington Wizards.
Naisalpak ni Fred VanVleet ang anim na three-pointers sa 25-point haul para sa Toronto habang tumapos si Gary Trent Jr na may 26 mula sa bench.