SIXERS, KINGS ABANTE SA 2-0

UMISKOR si Tyrese Maxey ng 33 points, tumipa sina Joel Embiid at Tobias Harris ng tig-20, at dinispatsa ng Philadelphia 76ers ang Brooklyn Nets, 96-84, nitong Lunes para sa 2-0 kalamangan sa kanilang Eastern Conference series.

Tahimik si Embiid sa opensiba, nagtala lamang ng 6 of 11 mula sa floor, ngunit halimaw sa ibang departamento. Ang MVP finalist ay may 19 rebounds, 7 assists at 3 blocks.

Kumalawit si Harris ng 12 rebounds. Umiskor lamang si James Harden ng 8 points sa 3-of-13 shooting para sa Sixers matapos ang sensational Game 1 effort.

Nanguna sinCam Johnson para sa Nets na mayb28 points at nagdagdag si Mikal Bridges ng 21.

Kings 114, Warriors 106

Nagbuhos si De’Aaron Fox ng 24 points at kumana ng backbreaking 3-pointer na nagbigay sa playoff newcomer Sacramento ng ikalawang sunod na panalo kontra defending champion Golden State.

Matikas na tinapos ng Kings ang laro makaraang mapatalsik sa laro si Golden State’s Draymond Green dahil sa flagrant foul at naging unang koponan na kinuha ang 2-0 series lead laban sa Warriors sa Stephen Curry era.

Sisikapin ng Warriors na makabawi sa Western Conference series sa paglipat sa San Francisco para sa Game 3 sa Huwebes ng gabi.

Nanguna si Curry para sa Warriors na may 28 points subalit nagtala lamang ng 3 of 13 mula sa 3-point range habang nagkumahog ang Golden State sa opensa. Ang Warriors ay gumawa ng 22 turnovers.