SIXERS PINAAMO ANG WOLVES

TUMAPOS si Joel Embiid na may 34 points at 10 rebounds, at nagdagdag si James Harden ng 27 points, 12 assists at 8 rebounds sa kanyang debut upang pangunahan ang Philadelphia 76ers kontra host Minnesota Timberwolves, 133-102, nitong Biyernes.

Ito ang unang laro ni Harden sa Sixers magmula nang kunin kasama si Paul Millsap sa Brooklyn Nets kapalit nina Ben Simmons, Seth Curry, Andre Drummond at dalawang first-round draft picks. Si Harden ay na-sideline dahil sa strained hamstring para sa kanyang unang apat na laro sa Sixers.

Nag-ambag si Tyrese Maxey ng 28 points at 4 steals, at gumawa si Matisse Thybulle ng 11 points para sa Sixers.

Nanguna si Karl-Anthony Towns para sa Timberwolves na may 25 points, tumipa si D’Angelo Russell ng 21 at nakakolekta si Anthony Edwards ng 15. Umiskor din si Jaden McDaniels ng 10 points.

PELICANS 117,

SUNS 102

Nagbuhos si CJ McCollum ng 32 points at nagdagdag si Brandon Ingram ng 28 nang putulin ng bisitang New Orleans ang eight-game winning streak ng Phoenix.

Kumana si Jonas Valanciunas ng 18 points at 17 rebounds at nakontrol ng Pelicans ang laro nang ma-outscore ang Phoenix, 42-31, sa third quarter. Tumapos ang New Orleans na may 53-37 rebounding advantage.

Umiskor si Devin Booker ng 30 points, kumabig si Deandre Ayton ng 20 at kumubra si Cam Johnson ng 15 upang pangunahan ang Suns, na natalo sa ikalawang pagkakataon pa lamang sa 21 laro. Ito ang ikalawang laro ng Western Conference-leading Phoenix magmula nang lumiban si Chris Paul dahil sa fractured thumb.

HEAT 115,

KNICKS 100

Kumamada si Tyler Herro ng team-high 25 points mula sa bench para sa bisitang Miami, na nalusutan ang 46-point effort ni RJ Barrett upang gapiin ang New York.

Tumapos si Bam Adebayo na may  16 points, 16 rebounds at 4 blocked shots, kumubra si Jimmy Butler ng 23 points at nagdagdag si Kyle Lowry ng 19 points at 9 rebounds para sa Heat, na nanalo sa ika-7 pagkakataon sa walong laro at muling nakatabla ang Chicago Bulls sa ibabaw ng Eastern Conference sa 39-21.

Sa iba pang laro ay dinispatsa ng Jazz ang Mavericks, 114-109; nalusutan ng Spurs ang Wizards, 157-153 (2 OT); ginapi ng Hornets ang Raptors, 125-93; pinataob ng Thunder ang Pacers, 129-125 (OT); at pinabagsak ng Magic ang Rockets, 119- 111.