SIXERS PINATAHIMIK ANG THUNDER

NAITALA ni Kelly Oubre Jr. ang 17 sa kanyang 25 points sa fourth quarter at nagdagdag si Joel Embiid ng 24 points sa kanyang pagbabalik upang tulungan ang Philadelphia 76ers sa 109-105 panalo laban sa bisitang Oklahoma City Thunder noong Martes.

Si Embiid ay hindi naglaro magmula noong Enero 30 dahil sa left meniscus surgery. Bago ang kanyang injury, si Embiid ay nangunguna sa liga sa scoring sa 35.3 points per game, kasama ang 11.3 rebounds at  5.7 assists.

Noong Martes, si Embiid ay 12-for-12 mula sa free-throw line na may 7 assists, 6 rebounds at 3 steals. Naiposte niya ang 10 sa kanyang mga puntos sa fourth quarter, nang ma-outscore ng Philadelphia ang Thunder, 36-25.

Ang pagkatalo ay ikatlo lamang sa 10 games ng Thunder, na pinagbidahan ni Chet Holmgren na may 22 points, habang nagdagdag sina Luguentz Dort at Aaron Wiggins ng tig-15. Kumana si Jaylin Williams ng career-high 12 assists.

Lakers 128,
Raptors 111

Tumipa si D’Angelo Russell ng  25 points at 7 assists, nagdagdag si LeBron James ng 23 points at 9 assists, at dinispatsa ng bisitang  Los Angeles ang Toronto.

Nagbuhos si Anthony Davis ng  21 points at 12 rebounds para sa  Lakers, na 4-1 sa kanilang six-game road trip. Umiskor si Rui Hachimura ng 14 points para sa Los Angeles na nanalo sa ika-7 pagkakataon sa walong laro. Gumawa si Max Christie ng 12 points mula sa bench.

Ito ang ika-14 sunod na kabiguan ng Raptors na pinangunahan ni RJ Barrett na may 28 points. Nagdagdag si Immanuel Quickley ng 20 points at kumabig sina  Kelly Olynyk at  Gradey Dick ng tig-14 points.

Nuggets 110,
Spurs 105

Nagpasabog si Nikola Jokic ng 42 points at kumalawit ng 16 rebounds, umiskor si Aaron Gordon ng 23 points at balik ang host Denver sa ibabaw ng West Conference sa panalo kontra San Antonio.

Nalagpasan ni Jokic, na nagbigay rin ng 6 assists, si Carmelo Anthony sa third sa all-time scoring list ng Denver na may 13,978 points. Nagtala si Michael Porter Jr. ng 15 at may career-high 16 rebounds. Umangat ang Denver sa unahan ng Oklahoma City sa West.

Tumapos si Victor Wembanyama na may 23 points, 15 rebounds, 9 blocked shots at 8 assists, at nag-ambag si Tre Jones ng 10 points, 12 rebounds at 11 assists para sa kanyang ikatlong  career triple-double para sa San Antonio. Nanguna si Malaki Branham para sa Spurs na may 24 points.

Warriors 104,
Mavericks 100

Pinangunahan ni Andrew Wiggins ang balanced attack na may 23 points, gumawa si Draymond Green ng key plays sa huling bahagi ng laro at pinutol ng Golden State ang  seven-game winning streak ng Dallas sa panalo sa San Francisco.

Naitarak ng Warriors ang kanilang ika-5 sunod na panalo sa kanilang pagtatangkang makakuha ng isang puwesto sa playoffs.

Tumapos si Klay Thompson na may 14 points para sa Warriors, gayundin si Chris Paul, habang kumana si Stephen Curry ng 13, nagposte si Moses Moody ng 12 at nagdagdag si Draymond Green ng  11 points na sinamahan ng 8 rebounds, 6 assists, 4 steals at key block.