SIXERS, WARRIORS PINALAKAS ANG PLAYOFF HOPES

NAGBUHOS si Tyrese Maxey ng 37 points at nagdagdag si Joel Embiid ng 29 upang pangunahan ang Philadelphia 76ers sa 109-105 panalo laban sa Miami Heat nitong Huwebes at palakasin ang kanilang tsansa sa NBA playoffs.

Nagdagdag si Maxey ng  11 assists at 9 rebounds, at umangat ang Sixers sa 42-35, eighth sa  Eastern Conference ngunit isang laro lamang sa likod  ng sixth-place Indiana.

Ang top six sa bawat conference ang makakakuha ng NBA playoff berths habang ang mga koponan sa ika-7 hanggang ika-10 puwesto ay maghaharap sa play-in games para sa huling dalawang puwesto.

Si Maxey ay hindi nakapaglaro sa huling dalawang games para sa Philadelphia dahil sa hip injury, subalit sa kanyang unang laro kasama si Embiid sa loob ng mahigit dalawang buwan, ang dalawa ay  dominating.

“I’m tired,” ani Maxey.

“Normally when you come back you get to play 32 minutes but (coach Nick) Nurse asked me and I said I’m all good. I can play as much as you need me to.”

Nahulog ang Miami, pinangunahan ni Terry Rozier na may 22 points, sa 42-34, seventh sa East.

Sa Western Conference, nahila ng Golden State Warriors ang kanilang  win streak sa anim na laro sa 133-110 panalo sa  Houston, pinalobo ang kanilang kalamangan sa tanging koponan na maaaring magpatalsik sa kanila sa play-in spot.

Tumipa sina Stephen Curry at Klay Thompson ng tig-29 points upang pangunahan ang Warriors, na umabante sa 65-50 sa half-time at rumolyo sa second half.

Nalasap ng Rockets ang ika-13 sunod na kabiguan sa Golden State, ang koponan na hindi pa nila tinatalo magmula noong  February 2020.

Sa 42-34, tangan ng Golden State ang 10th at final West play-in spot habang nahulog ang Houston sa 38-38, apat na laro sa likod ng Warriors, may anim na laro ang nalalabi.

Sa iba pang laro, umiskor si Kyrie Irving ng  26 points at nag-ambag si  Luka Doncic ng  25 points, 12 rebounds at 8 assists upang pamunuan ang Dallas Mavericks laban sa bisitang Atlanta, 109-95.

Nanatili ang Dallas, 46-30, sa fifth sa West, isang laro ang angat sa Phoenix sa karera para sa top-six finish at isang playoff spot.

Sa New York, tumirada si Jalen Brunson ng 35 points at nagbigay ng 11 assists habang nag-ambag si Josh Hart ng 31 points, 9 rebounds at 8 assists upang pangunahan ang Knicks kontra bisitang Sacramento, 120-109.

Tinapos ng Knicks, 45-31, ang laro sa 28-14 run at pinutol ang three-game losing streak upang tumabla sa fourth-place sa Orlando at kalahating laro sa likod ng third-place Cleveland sa  East.