KAPAG malamig ang panahon, ano pa nga ba ang hinahanap-hanap ng ating panlasa at sikmura kundi ang mga maiinit at maaanghang na putaheng nakapagbibigay buhay sa ating nanlalambot at nilalamig na katawan.
Kapag maulan ang paligid, hindi rin maiiwasan ang pagkalam ng sikmura. Talaga namang hindi natin mapipigil ang pagkalam ng sikmura. Idagdag pang karamihan sa magkakapamilya ay nasa bahay lang dahil sa pagkakansela ng pasok sa trabaho at maging sa paaralan.
Oo nga’t marami ang natutuwa kapag walang pasok. Ngunit isa sa dahilan ng kawalan ng pasok sa mga opisina at eskuwelahan ay ang sama ng panahon. Nakababagabag nga naman ang bagyo o malakas na pag-ulan dahil sa epekto nito sa buhay at kabuhayan ng marami.
At dahil hindi naman natin maiiwasan o mapipigilan ang pananalasa ng bagyo, kailangan nating magdoble ingat. Maghanda. Iyon naman talaga ang kailangan nating gawin.
Sa mga pamilyang magkakasama sa bahay at nag-iisip ng mga pagkaing swak sa maulan at malamig na panahon, narito ang ilang sizzling food na magpapatulo ng inyong pawis dahil sa kakaiba nitong sarap at anghang:
SIZZLING VEGGIES
Sa mga conscious sa katawan at ayaw kumain ng matataba o karne, hindi n’yo kailangang malungkot sapagkat mayroong sizzling veggies na swak sa inyong panlasa.
Abot-kaya lang din naman sa bulsa ang presyo ng mga sangkap na gagamitin natin sa paggawa nito dahil ikaw mismo ang magdedesisyon kung anong mga gulay ang swak sa iyong panlasa.
Kaya ano pang hinihintay ninyo, i-check na ang inyong kusina at alamin kung ano ang mga gulay na mayroon kayo na puwede ninyong magamit sa paggawa ng Sizzling Veggies.
SIZZLING ORIENTAL DISH
Kung mahilig ka naman sa gulay at karne, swak naman sa iyo ang Sizzling Oriental Dish. At kagaya nga ng sizzling veggies, maaari mo ring piliin ang gusto mong sahog sa gagawing putahe.
Puwede kang gumamit ng iba’t ibang gulay na paborito ng iyong buong pamilya at saka ito lagyan ng manok, karne o kaya naman isda.
Simpleng-simple lang din ang paggawa nito.
Ang nagbibigay ng dagdag na sarap sa nasabing putahe ay ang pinaghalong anghang at tamis ng sauce nito. Malasang-malasa ang putaheng ito kaya’t swak ihanda sa buong pamilya lalo na ngayong malamig ang paligid.
SIZZLING HOTDOG
Isa pa sa masarap subukan at simpleng-simple lang ding gawin ang Sizzling Hotdog. Isa nga naman ang hotdog sa kinahihiligan ng mga bata. Kaya’t isa rin ang recipe na ito sa puwedeng subukan ng bawat Nanay.
Hiwain lang ang hotdog sa nais na laki. Maghiwa rin ng sibuyas. Pagkatapos ay i-saute ang sibuyas saka ilagay ang hotdog.
Timplahan ito ng ketchup. Kung mahilig kayo sa maanghang, maaari itong samahan ng hiniwa-hiwang siling labuyo. Lagyan din ito ng paminta.
Ganoon lang kasimple at may panibagong maihahanda na kayo sa inyong pamilya.
SIZZLING RICE SOUP
Wala nga namang makahihigit sa maanghang at mainit na sabaw kapag malamig ang panahon. Kaya’t isa pa sa puwedeng subukan ng bawat Mommy ay ang Sizzling Rice Soup. Kompleto na nga naman ito, may rice na, sabaw, karne at gulay.
Hindi naman kailangang kakaiba ang mga sangkap na ating ihahanda para sa pamilya. Kahit mga simpleng sangkap lang ang gagamitin natin, may bagong paraan sa paghahanda nito na tiyak na kaiibigan ng buong pamilya.
Sa totoo lang, napakarami nating puwedeng maimbentong pagkain basta’t maging madiskarte lang tayong mga Nanay. CT SARIGUMBA
Comments are closed.