SK BOMBING HINDI KONEKTADO SA BOL PLEBISCITE

NANINIWALA ang Philippine National Police (PNP)  na hindi politika ang motibo sa naganap na Isulan, Sultan Kudarat bombing na kumitil ng 3 katao at ikinasugat ng 36 na iba at wala rin umanong nakikitang koneksiyon sa nalalapit na plebisito para sa Bangsamoro Organic Law (BOL).

Ayon kay PNP chief, Dir. General Oscar Albayalde, base sa kanilang pagsisiyasat, maliit ang posibilidad na maiugnay sa nakatakdang November Plebiscite ang nangyaring pagsabog sa Isulan, Sultan Kudarat.

Kaugnay nito, agad na pinawi ni Albayalde ang pangamba ng publiko sa posibleng pananabotahe ng mga peace spoiler o tero­ristang grupo kaugnay sa nalalapit na political exercise dahil may sapat na puwersa ang PNP at Armed Forces of the Philippines (AFP) sa Mindanao para panatilihin ang seguridad at kapayapaan sa nasabing rehiyon.

Bukod umano sa inilalatag na security preparation ng PNP at AFP ay mas pinatindi ng government security forces ang kanilang intelligence network at target hardening measures.

Sa panig naman ng AFP, ayon kay 6th Infantry Division Commanding General, Brig. Gen. Cirilito Sobejana, wala rin silang nakikitang may kaugnayan sa nala­lapit na plebisito ang insidente.

Nanindigan ang militar na kagagawan ng mga local terrorist group ang pagsabog at magkaiba ang bomber na nasa likod ng Isulan blast sa nangyaring pagsabog kamakailan sa Lamitan, Basilan.

Ang pagsabog ay naganap ­ilang araw matapos na ipag-utos ni Pangulong Rodrigo Duterte ang pagtugis at pagdurog sa mga nalalabing terorista na nagtatago sa Mindanao.    VERLIN RUIZ

 

 

Comments are closed.